432 total views
Tiniyak ng pamahalaan na unti-unti nang bubuksan ang ekonomiya ng bansa.
Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa panawagan ng mga ekonomista na buksan ang ekonomiya upang patuloy makabangon ang bansa sa negatibong epekto ng Coronavirus pandemic.
Ayon sa tagapagsalita ng punong ehekutibo, magagawa ito ng pamahalaan sa pakikipagtulungan na rin ng mamamayan lalo’t nagsimula na ang vaccination program ng gobyerno.
“Kaya nating gawin yun [reopening economy] kasi may mga localized lockdown naman tayo at the same time may available na bakuna na rin sa bansa,” pahayag ni Roque.
Matatandaang naglabas ng joint statement ang National Economic and Development Authority, Department of Finance at Department of Budget and Management upang ipanawagan ang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya na lilikha ng trabaho para sa mga Filipino.
Sa huling datos ng Philippine Statistic Authority, umabot na sa mahigit walong porsyento ang unemployment rate sa bansa o katumbas sa mahigit apat na milyong Filipino ang walang pinagkakitaan dahil na rin sa pagkalugi ng mga negosyo.
Nanawagan naman si Roque sa mamamayan ng ibayong pag-iingat lalo’t nanatili ang banta sa lipunan ng COVID 19.
“Panawagan ko lamang sa lahat na pag-ingatan ang buhay upang makapag hanap buhay,” ani Roque.
Patuloy naman ang pagkilos ng simbahan sa pangunguna ng mga social action centers upang tulungan ang mahihirap na sektor na labis naapektuhan sa mahabang community quarantine sa Pilipinas mula noong Marso 2020.