215 total views
Inihayag ng pamunuan ng Pag-IBIG Fund na mas palawakin pa ang paghahatid ng serbisyo sa mga Filipino.
Ayon kay PAG-IBIG Fund CEO Acmad Rizaldy Moti, bilang institusyon pinangangalagaan din nito ang paghubog sa kapakanan ng mga kasapi at maipakita sa publiko ang bunga ng kanilang pinaghihirapang kita.
Bilang balik handog matagumpay ang ikasiyam na taong “I Do, I Do! Araw ng Pag-IBIG” program ng Pag-IBIG Fund tuwing Valentines Day.
“Tinutulungan din natin ang mga mag-asawa na hindi pa kasal na mapagtibay ang kanilang pagsasama; part din ito ng corporate social activity ng Pag-IBIG at the same time highlights din sa social benefits [ng Pag-IBIG],” pahayag ni Moti sa panayam ng Radio Veritas.
Nasa 1, 000 member – couple ang nakinabang sa programa ng Pag-IBIG sa 11 lugar sa bansa kung saan 300 sa Metro Manila na ginanap sa The Tent City ng The Manila Hotel sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco Domagoso.
Sa panayam sa alkalde, pinaalalahanan nito ang mga mag-asawa na laging kumapit sa Panginoon upang higit na mapagtibay ang kanilang samahan sa gitna ng mga hamong kakaharapin.
“Mahalaga talaga na God-centered kayo [mag-asawa] kasi yun ang magpapatibay sa pundasyon bilang mag-asawa,” ayon kay Domagoso.
Bukod sa Metro Manila, isinagawa rin ang “I Do, I Do! Araw ng Pag-IBIG” sa Bulacan, Laguna, Bicol, Cebu, Negros Occidental, Cagayan De Oro, at Davao.
Nagsagawa rin ng mass wedding ang ilang simbahan sa bansa tuwing Araw ng Puso bilang hakbang sa pagpapatibay ng mga pamilya na makatanggap ng sakramento ng pag-iisang dibdib.
Una na rito ang Prelatura ng Marawi na pinangunahan ni Bishop Edwin Dela Peña ang pag-iisang dibdib ng 44 na live in partners habang sa Our Lady of Light naman sa Diyosesis ng Tagbilaran ikinasal ang 16 na pares ng mag-asawa.
Read: https://www.veritas846.ph/kasalang-bayan-isasagawa-ng-prelatura-ng-marawi-tuwing-valentines-day/