
Pederasyon ng mga manggagawa, nanawagan ng Katarungang Panlipunan at Makatarungang Sahod ngayong Pasko
56,321 total views
Nanawagan ng katarungang panlipunan para sa mga manggagawang Pilipino ang Federation of Free Workers (FFW) ngayong Kapaskuhan, kasabay ng panawagang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa makatarungang sahod, sapat na benepisyo, at pagwawakas ng kontrakwalisasyon.
Ayon kay FFW National President Atty. Sonny Matula, nananatiling mababa ang sahod ng maraming manggagawa, dahilan upang mahirapan silang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo na sa panahon ng Pasko. Aniya, hindi maituturing na ganap ang pagdiriwang kung patuloy na isinasantabi ang karapatan at dignidad ng mga manggagawa.
Iginiit ni Matula na mahalagang ipagpatuloy ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbuo ng unyon, collective bargaining agreement (CBA), at pagtatanggol sa karapatan at kaligtasan sa lugar ng trabaho.
“Tulad ng Mabuting Samaritano, ang tunay na pag-ibig ay may gawa: tumitigil, tumutulong, at nag-aalaga. Bilang mga manggagawa at unyonista, tungkulin nating isulong ang buhay na ganap sa pamamagitan ng pagtatanggol sa karapatan at kapakanan ng bawat isa,” pahayag ni Matula sa isang mensaheng ipinadala sa Radyo Veritas.
Inalala rin ng lider-unyon ang kalagayan ng mga manggagawang sapilitang tinanggal sa trabaho, lalo na ngayong Kapaskuhan, at binigyang-diin ang pakikiisa ng FFW sa lahat ng sektor, kabilang ang mga manggagawang Muslim, sa pagsusulong ng karapatan at katarungan.
“Mariin naming kinokondena ang pagtatanggal sa ating mga kasapi sa Charter Link ngayong Kapaskuhan. Ang FFW ay pluralistic—bukas sa mga Muslim, Kristiyano, at iba pang pananampalataya. Paalala rin ng Qur’an na ang pananampalataya ay nasusukat sa paggawa ng kabutihan sa kapwa, lalo na sa nangangailangan,” dagdag pa ni Matula.
Samantala, patuloy ring aktibong katuwang ng mga manggagawa ang Simbahan, partikular ang Arkidiyosesis ng Maynila sa pamamagitan ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern, sa pagsusulong at pagtatanggol sa karapatan ng sektor.
Bukod sa mga pagtitipon at adbokasiya, isinusulong din ang edukasyong legal para sa mga manggagawa sa pamamagitan ng mga paralegal o “Pasimba” ng Simbahan, upang mapalawak ang kaalaman ng mga manggagawa sa kanilang mga karapatan at mga batas-paggawa.













