
Malawakang Prayer and Protest rally, isasagawa ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan
2,293 total views
Nanawagan si Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga mananampalataya sa buong bikaryato na makiisa sa isang malawakang Prayer and Protest Rally bilang pakikiisa sa Trillion Peso March na gaganapin sa Nobyembre 30, 2025.
Ayon sa Obispo, bagama’t hindi makakadalo ang karamihan sa malaking pagtitipon na nakatakda sa Maynila, ay maaari namang makibahagi ang mga Palaweño sa mapayapang pagkilos na isasagawa sa iba’t ibang lugar sa Palawan upang ipahayag ang saloobin ng mamamayan laban sa malawakang korupsiyon o katiwalian sa bansa.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, magkakaroon ng sabay-sabay na Rally for Accountability sa iba’t ibang sentrong lugar sa bikaryato, partikular na sa Taytay, El Nido, Roxas, Coron at Cuyo.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, bahagi ng moral na tungkulin ng Simbahan at ng mga mamamayan na manindigan para sa katotohanan, katapatan, at mabuting pamamahala.
“Nababahala po tayo sa malalaking korapsyon na nangyayari at gusto po natin na panagutin ang mga gumawa nito. Mayroon pong gagawing malaking rally sa Maynila sa November 30, 2025, hindi man tayo makakapunta sa Maynila ngunit kailangang magpahayag ng ating saloobin kaya dito po sa atin sa Bikaryato ng Taytay, mayroon din po tayong mga rally sa malalaking mga lugar natin. Meron din po tayong rally na gagawin sa Taytay [Palawan], gagawin sa El Nido, gagawin sa Roxas, gagawin sa Coron, gagawin sa Cuyo upang ipahayag po ang ating damdamin.” Bahagi ng paanyaya ni Bishop Pabillo.
Nakatakda ang lokal na pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng Palawan sa hapon ng Nobyembre 30, 2025 bilang pakikiisa sa pambansang panawagan ng mamamayan na wakasan ang katiwalian at pang-aabuso sa pondo ng bayan.
Ayon kay Bishop Pabillo may mabigat ding dahilan ang mga mamamayan ng Palawan upang manawagan ng pananagutan sa pamahalaan sapagkat marami pa rin sa mga bayan ng Palawan ang kulang sa malinis na tubig, maayos na kuryente, at matinong imprastraktura, sa kabila ng malaking pondo at yaman ng lalawigan.
Bagama’t inilarawan ng Obispo ang mga komunidad ng Palawan bilang maliit lamang na grupo ay binigyang diin naman nitong mahalaga ang bawat boses at bawat pagkilos tungo sa pagbabago sa lipunan.
“Maliit lamang tayong grupo pero hinihikayat ko po ang lahat na makiisa, ipahayag po natin ang damdamin natin na dapat igalang ang mga buwis ng tao at huwag dapat sayangin ang mga resources ng ating bayan, lalong lalo na po dito sa Palawan na maraming mga lugar natin ay wala pang magaganda at maayos na tubig, maayos na kuryente, maayos na daan, talagang kailangan natin ang bawat resources natin huwag dapat sayangin, kaya hinihikayat ko po kayo makiisa po tayo sa November 30, 2025 sa hapon na makiisa sa mga rally na inorganized sa mga lugar natin.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ang nakatakdang prayer rally ay inaasahang magsisilbing daan upang isulong ang pananalangin, pagpapahayag ng konsensya, at pananawagan para sa katarungan, kasabay ng apela para sa mabuting pamumuno ng naaayon sa turo ng Simbahan.













