180 total views
Ang Pilipinas ay isang malayang bansa kung saan umiiral ang demokrasya at hindi ang diktadura.
Ito ang binigyang diin ni Dean Antonio La Vina, dating Dean ng Ateneo School of Government kaugnay sa personal na pagtatakda ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga maaring pahintulutang pumasok at lumabas na mga dayuhan sa bansa.
Nilinaw ni Dean La Vina na hindi maaaring basta na lamang kontrolin ang pagpapapasok sa bansa ng mga dayuhan tulad na lamang ng pagtrato ng Bureau of Immigration sa Australian missionary-nun na si Sr. Patricia Fox.
Ibinahagi ni Dean La Vina na kahit sa ilalim ng rehimeng Marcos ay marami ang mga dayuhang Pari at Madre na hindi pinaalis ng pamahalaan sa kabila ng kanilang mga puna at pakikibahagi sa mga panawagan ng mamamayan sa mapang-abusong pamamahala.
“Lahat yan may consequencesn, diba kapag hindi ka nagpapapasok ng mga tao hindi naman tayo diktadura diba? hindi naman tayo lugar na yung mga tao pinagbabawalan pumasok o hindi, kahit kay Marcos nakakapasok. Yung nangyari kay Sister Patricia Fox, yung kahit kay Marcos noon madaming mga foreigners na mga Pari at Madre na nandidito hindi naman sila pinaalis ni Marcos kahit na nagki-criticize sila, part yan of being in a world, in a global world…”pahayag ni La Vina sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nga nito, tuluyan ng kinansela ng Bureau of Immigration o BI ang missionary visa ng 71-taong gulang na si Sr. Patricia Fox matapos ang kanyang higit 27-taong pagmimisyon sa bansa.
Ang desisyon ng B-I ay ibinase sa Philippine Immigration Act of 1940 – Section 9 na nagbabawal sa mga dayuhang misyonero sa bansa sa makisangkot sa anumang uri ng political activities kung saan binibigyan ng 30-araw si Sr. Fox upang makaalis ng bansa.
Naunang nagpahayag ng pagsuporta si Sorsogon Bishop Arturo Bastes -Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Mission sa adbokasiya ni Sr. Fox at mariing kinundina ang naging pagtrato ng Bureau of Immigration sa madre.