11,349 total views
Hindi void o unconstitutional ang impeachment laban sa Vice President Sara Duterte, taliwas sa naging desisyon ng Korte Suprema.
Ito ang muling iginiit at paglilinaw ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio kaugnay sa naging desisyon ng Supreme Court na aniya’y batay sa maling interpretasyon ng Konstitusyon at mga umiiral na alituntunin.
Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Carpio na dalawang pangunahing isyu ang tinukoy ng Korte Suprema sa kanilang pagsasantabi sa impeachment: una, ang sinasabing kawalan ng plenary vote ng Mababang Kapulungan bago ito ihain sa Senado; at pangalawa, ang sinasabing paglabag sa karapatan ng Pangalawang Pangulo na marinig ang kanyang panig bago sumulong ang proseso.
Mariing itinanggi ni Carpio ang alegasyong walang botong naganap sa Kamara dahil may opisyal na rekord na nagpapakita ng malinaw na aksyon mula sa plenaryo.
“Ang ginawa ng House, pinakita nila, they have the records of the House’s Journal that at 3:37 PM of Feb. 5, 2025, there was a motion of Congressman Delipe… to authorize the Secretary General to send the articles of impeachment to Senate immediately,” paliwanag ni Carpio.
“Nagbotohan sila, unanimous, walang nag-object… Dumating sa Senado at na-receive ng Senado bandang alas-4:57 ng hapon. 7:15PM of that day nag-adjourn sila, so klarong-klaro: may plenary vote.”
Ayon kay Carpio, lumalabas na salungat ang pahayag ng Korte Suprema na ipinadala ng House Secretary General ang Articles of Impeachment “without a plenary vote.”
Ipinunto rin ni Carpio na hindi makatarungan ang bagong hinihingi ng Korte Suprema na kinakailangang marinig muna ang panig ng Bise Presidente bago simulan ang impeachment na hindi bahagi sa umiiral na House Rules at hindi rin ito naging batayan sa mga nakaraang kaso.
“There was no such requirement in the previous impeachment cases—kay Estrada, kay Corona. At wala ito sa House Rules,” ani Carpio.
“Kapag ‘direct filing’ ang ginawa, ang opportunity to be heard ay sa Senado na. Doon siya—she can answer and present evidence. That was the practice and that has been the rules before the decision of the Supreme Court few days ago.”
Tinawag din ni Carpio na retroactive imposition ang pagpataw ng bagong patakaran sa isang hakbang na isinagawa sa ilalim ng mga lumang panuntunan.
“Kapag nagdagdag ka ng requirements, you can’t expect the people to have complied with that at the time… ang tawag diyan doctrine of operative act o doctrine of prospective overturning. Yung bagong mga requirements mo, prospective na iyan. Common sense iyan.”
Binigyang-linaw rin ni Carpio ang isyu kaugnay ng probisyon ng Konstitusyon na nagsasabing isang impeachment lamang ang maaaring isagawa laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon. Ayon sa dating mahistrado, may malinaw nang gabay mula sa desisyong Francisco vs. House of Representatives.
“Sabi ng Francisco, under the Constitution, the Speaker of the House must include the order of business the impeachment complaint within 10 session days… if he includes it in the 1st session from filing—valid iyan. If he includes [it] on the 10th session day—valid pa rin iyan.”
Giit niya, hindi kinakailangang ang unang reklamo ang agad isalang sa proseso dahil maaaring may mas matibay na ebidensya pa ang ipapadala.
“Sabi rin sa desisyon, puwede silang gumawa ng sarili nilang complaint—getting elements and make their own. This is what happened,” ani Carpio.
Sa kabuuan, iginiit ni Carpio na legal at konstitusyonal ang hakbang ng Kamara, at hindi maaaring isantabi batay sa mga patakarang ipinatupad lamang matapos maisagawa ang proseso.
“It operated already, that’s why you have to respect that.”
Nanindigan siyang ang desisyong ito ng Korte Suprema ay lumilihis sa mga prinsipyo ng batas at naghahatid ng maling mensahe sa publiko ukol sa tamang proseso ng impeachment.