37,309 total views
Nawa ang bawat batas at resolusyong pagtitibayin ng Kongreso ay ang panalanging minimithi ng sambayanang Pilipino.
Ito ang bahagi ng homiliya ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa ginanap na Mass for the Holy Spirit na Manila Cathedral para sa inaasahang pagbubukas ng ika-20 Kongreso kasabay ng ikaapat na Pag-uulat sa Bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bukas, July 28 sa Batasang Pambansa.
“Bawat batas na lilikhain nyo, at bawat resolusyon na ipapasa ninyo ay ayon sa pananalig ng bayan sa Diyos. Panalangin ng mga Pilipino para sa mas maunlad na buhay, mas makatarungang lipunan at mas mapayapang bansa. To do this, it means being closely intimate with God, and being in close solidarity with Gods people,” ayon kay Cardinal Advincula.
Dagdag pa ng arsobispo ng Maynila, “Kailangan ng ating bansa ng mga mambabatas na laging lumalapit sa Diyos at laging lumalapit sa tao. Dapat ramdam niya ang pangarap ng dukkha at ramdam din niya ang awa ng Diyos. Ramdam niya ang pangungulila ng mga OFW at ramdam din niya ang pakikilakbay ng Diyos, ramdam niya ang pagod ng mga manggagawa at ramdam din niya ang pamamatnubay ng Diyos.”
Kabilang sa mga dumalo sa misa sina Military Bishop Oscar Jaime Florencio, Cubao Bishop Elias Ayuban Jr., Bishop-emeritus Antonio Tobias, Radyo Veritas anchors Fr. Jerome Secillano ng Catholic Bishops Conference of the Philippine-Episcopal Commission on Public Affairs at Fr. Joel Saballa ng Caritas Novaliches.
Nakiisa rin sa misa ang may 220 mga mambabatas ng Mababang Kapulungan na kinabibilangan ni 19th Congress House Speaker Martin Romualdez.
Ayon pa kay Cardinal Advincula ang mga mambabatas ay hindi lamang kinatawan ng sambayanang Pilipino kundi mga kinatawan din ng kawan ng mananampalataya sa Panginoon.
“May you always remember that you are not only representatives of the Filipino people in the halls of government, more often than this you are also representatives of the Filipino people before God,” ayon kay Cardinal Advincula.
Sa hiwalay na pahayag sinabi ni Rep. Jude Acidre ng Tingog Partylist na nararapat lamang na sa pamamagitan ng isang misa magsimula ang pagbubukas ng Kongreso lalo’t maraming mga usaping panlipunan ang kinakaharap ng bansa, —upang hingin ang gabay at pagpapala ng Panginoon.






