989 total reads
Ipinaliwanag ni Atty. Cecilio Duka, Political and Constitutional Law Professor at Legal Counsel ng University of Makati na magkaiba ang impeachment proceedings at criminal case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng grave threats, kahit may mga alegasyong parehong lumilitaw sa dalawang proseso.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, ipinaliwanag ni Duka na ang impeachment ay isang proseso sa ilalim ng Konstitusyon na maaaring humantong sa pagtanggal sa puwesto at disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon, habang ang criminal case ay hiwalay na proseso para sa pananagutang kriminal.
“Magkaiba po ‘yun, sapagkat ‘yung pong impeachment ay proseso ng ating Saligang Batas, ng Konstitusyon. Ito ho, ang layunin ay para tanggalin ‘yung opisyal at pagbawalan na na makaupo pa sa anomang pwesto sa gobyerno. Iba po ‘yun. At iba naman po ‘yung criminal cases kasi ho ito, ang nag-fi-file nito ay ang piskal dahil ayon po ito sa jurisdiction nila dahil ito po ay paglabag sa Revised Penal Code.” Bahagi ng pahayag ni Duka sa Radyo Veritas.
Aniya, ang impeachment ay nakatuon sa pananagutan ng isang impeachable officer, habang ang criminal case ay maaaring isampa laban sa isang opisyal dahil sa umano’y paglabag sa criminal law.
“Hindi po ibig sabihin na porke impeachable official ka ay hindi ka na pwedeng kasuhan, kasi po pananagutan ang kailangan natin. Remember po, public office is a public trust, sabi ng ating Konstitusyon.” Dagdag pa ni Duka.
Ipinaliwanag din ni Duka na walang malinaw na probisyon sa Konstitusyon o desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing hindi maaaring kasuhan ng criminal case ang isang impeachable officer habang nananatili pa ito sa puwesto.
Ayon kay Duka, ang immunity from suit na kinikilala sa jurisprudence ay para sa Pangulo, samantalang hindi ito awtomatikong ipinagkakaloob sa Vice President at iba pang impeachable officials.
“Ang tangi lamang pong merong immunity from suit… ang Pangulo lamang ang may immunity from suit.” Ani Duka.
Dagdag pa ng abogado, hindi sapat na sabihing kailangang matapos muna ang impeachment bago maisampa o maituloy ang isang hiwalay na criminal case.
Binigyang-diin ni Duka na ang pagkakaroon ng arrest warrant ay hindi nangangahulugang napatunayang guilty na ang Bise Presidente, kung saan matapos ang pag-aresto o pagsuko at pag-post ng piyansa, ang susunod na mahalagang hakbang ay ang arraignment, kung saan babasahin sa akusado ang sakdal at hihingin ang kanyang plea.
“Ngayon, kung hindi ho siya sasagot, ang korte ay maglalagay po sa record ng not guilty dahil meron po tayong constitutional presumption of innocence.” Ayon kay Duka.
Matatandaang noong Setyembre 4, 2026 ay naglabas ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ng arrest warrant laban kay Vice President Duterte kaugnay ng tatlong counts ng grave threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez kung saan itinakda ng korte ang piyansa sa P120,000 bawat kaso.
Noong Setyembre 5, 2026 naman ay nag-post si VP Duterte ng P360,000 bail o P120,000 para sa bawat isa sa tatlong counts, kung saan matapos matanggap ng Korte ang mga kinakailangang dokumento at piyansa, iniutos nito ang pag-lift sa arrest warrant.
Ang tatlong counts ng grave threats ay nag-ugat sa mga pahayag ni VP Duterte noong 2024 na sinabi niyang may inatasan siyang tao na pumatay sa Pangulo, First Lady at noo’y House Speaker kung siya ay mapatay.
Sa bahagi ng Simbahan, mahalaga sa anumang usaping pampubliko ang rule of law, pananagutan at due process kung saan ang prinsipyo na public office is a public trust na nangangahulugang ang mga may hawak ng kapangyarihan ay dapat managot sa kanilang mga kilos, ngunit kasabay nito, dapat ding igalang ang presumption of innocence at karapatan ng bawat akusado sa makatarungang proseso.




