14,865 total views
Magsasagawa ng Holy Hour ang Diocese of Malolos para sa natatanging intensyon ng kagalingan ng Papa Francisco kasabay ng patuloy na gamutan nito dsa Gemelli Hospital.
Inatasan ni Bishop Dennis Villarojo ang lahat ng mga parokya ng diyosesis na maglaan ng oras para sa holy hour ngayong February 26 bilang pakikiisa sa buong simbahang katolika na nagdarasal sa agarang paggaling sa pinunong pastol ng mahigit isang bilyong katoliko sa mundo.
“This Holy Hour will provide an opportunity for the faithful of our diocese to gather in faith and solidarity, joining in prayer for our beloved Pope Francis,” bahagi ng pahayag ni Bishop Villarojo.
Hinimok ng Obispo ang lahat ng mananampalataya na makiisa sa mahalagang gawain at makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga parokya para sa detalye ng isasagawang pagtatanod sa Banal na Sakramento.
Sa latest update ng Vatican ay nanatiling nasa mapanganib na kalagayan si Pope Francis dahil sa pneumonia subalit sa mensaheng ibinahagi ng santo papa pinasalamatan nito ang lahat ng mga nagpaabot ng panalangin at mensahe sa kanyang dagliang paggaling.
Positibo ang santo papa na muling malampasan ang pagsubok sa kalusugan na kanyang kinakaharap at buong kababaang loob na ipinagkatiwala sa Panginoon ang kalagayan.
Noong February 21 ay nagsagawa rin ng Holy Hour ang Archdiocese of Manila na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula alinsunod na rin sa panawagan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na ipanalangin ang kagalingan ni Pope Francis gayudin ang medical team na nangangalaga sa kalusugan nito.
Samantala umapela naman si Pontificio Collegio Filippino Rector Fr. Gregory Gaston sa mananampalataya na iwasang magpahayag ng anumang espekulasyon at fake news hinggil sa kalagayang pangkalusugan ni Pope Francis sa halip ay antabayanan ang mga latest updates na ibinabahagi ng Vatican sa pamamagitan ng Holy See Press Office.