31,494 total views
Kinilala ni Cabanatuan Bishop Prudencio Andaya, Jr. CICM ang ambag ng mga nakatatanda sa pamayanan lalo na sa pagyabong ng pananampalataya.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng Diocesan Day for the Elderly and Grandparents kasabay ng kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana ang mga magulang ng Mahal na Birheng Maria, lolo at lola ni Hesus sa sanlibutan nitong July 26 sa misang isinagawa sa Bahay Pari, Cabanatuan City.
Inihalintulad ni Bishop Andaya ang nakatatanda sa asin na lubhang nararamdaman kung nawawala.
“Ang presensya ng mga nakatatanda sa tahanan ay parang asin sa pagkain—hindi man palaging nakikita, ngunit kapag nawala, dama agad ang kakulangan,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Andaya.
Aniya, bagamat madalas naisasantabi ng mga pamilya ang mga nakatatanda dahil sa kahinaang pisikal ay iginiit nitong malaki ang tungkuling ginagampanan nito sa pamayanan lalo na sa pagsasalin ng mga natutuhan sa mga kabataang inaasahan sa susunod na henerasyon.
“You quietly give flavor to the faith of the family. Sa inyong katahimikan, natututo ang nakababatà; at sa kanilang pananampalataya, lumalalim ang buong pamilya,” giit ni Bishop Andaya.
Ang pagtitipon ng diyosesis ay na inisyatibo ng Ministry for the Elderly na pinamumunuan ni Fr. Reynaldo Nicolas na layong kilalanin ang kaalaman, pananampalataya at presensya ng mga nakatatanda sa lipunan at simbahang katolika.
Dumalo sa pagtitipon ang mga nakatatanda mula sa iba’t ibang mga parokya para sa isang araw pagbubuklod sa pananalangin at pagninilay kasabay ng muling pagpapatibay sa kanilang misyong ipalaganap ang diwa ng pagmamahal at pananampalataya sa kanilang pamilya at komunidad na kinabibilangan.
Tuwing huling Linggo ng Hulyo ang pinakamalapit na araw ng kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana ay ipinagdiriwang ng simbahan ang World Day for Grandparents and the Elderly na pinasimulan ni Pope Francis noong 2021.
Mensahe ni Pope Leo XIV sa pagdiriwang ngayong taon ang ‘revolution of care’ sa mga nakatatanda kung saan hinimok ang bawat isa na abutin ang mga lolo at lola na nagdurusa sa kalungkutan at kahirapan.
Nakaugalian ng simbahan ang paggawad ng plenary indulgence sa mga makadadalo sa banal na misa para sa mga nakatatanda gayundin ang mga bumibisita at naglalaan ng panahon para makapiling ang mga nakatatanda sa mga tahanan at maging ang mga nasa kanlungan.
Matatanggap ng mananampalatya ng indulhensya alinsunod sa mga itinakdang alitnuntunin tulad ng pagdulog sa sakramento ng kumpisal, pagtanggap ng Banal na Komunyon, at panalangin sa nattatanging intensyo ng santo papa.




