2,008 total views
15th Sunday in Ordinary Time Cycle C
Deut 30:10-14 Col 1:15-20 Lk 10: 25-37
Hindi natin magagawa ang hindi natin nalalaman. Kung hindi ko alam na may test pala, hindi ako makapag-aaral. Kung hindi ko alam na may babayaran pala sa barangay, hindi ako makababayad. Kailangan ang kaalaman. Pero may mga pangyayari na alam naman natin pero hindi natin ginagawa. Katigasan na iyan ng ulo o kapabayaan. Mas malaki na ang pananagutan ng taong ito – alam niya ang kanyang obligasyon at hindi pa niya ito ginawa.
Pinaabot ng Diyos ang kanyang kautusan sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. Sinabi ni Moises ang mga batas ng Diyos at pinaliwanag ito sa kanila. Pero sinabi din ni Moises na ang mga kautusan na ito ay hindi naman mahirap sundin at unawain. Hindi naman ito malayo sa ating kaalaman. Hindi na kailangang umakyat ng langit upang ito ay sungkitin. Hindi kailangang tumawid ng dagat upang ito ay makuha. Ang kautusan na pinaliwanag niya ay nasa ating puso at nasa ating bibig. Ito ay nakatanim na sa ating budhi. Kaya sa kaibuturan ng ating puso alam natin kung ano ang tama at kung ano ang mali. May konsensya tayo. Nandoon iyan, nakatatak sa ating konsensya. Kailangan lamang natin itong gawin.
Napatotohanan sa ating ebanghelyo na ganoon nga, alam natin ang kagustuhan ng Diyos. May nagtanong na eskriba, isang dalubhasa sa batas, kung ano ang dapat gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Mahalaga ang tanong na ito at dapat may hangarin din tayong malaman ito. Lahat tayo ay mamamatay, pero hindi kamatayan ang wakas natin. May buhay sa kabila ng buhay na ito. Maaabot ba natin ang buhay na ito? Sana concerned tayo sa sagot sa tanong na ito.
Dahil sa siya ay dalubhasa sa Batas, ibinalik ni Jesus ang tanong sa kanya – ano ang sinasabi sa Banal na Kasulatan? Ang sagot niya: “Mahalin mo ang Diyos ng buong pagkatao mo at mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Tumpak ang sagot niya. Alam naman pala niya. Kaya sinabi lang ni Jesus na gawin niya iyon at mabubuhay siya.
Medyo napahiya siya. Alam naman pala niya at tatanong-tanong pa siya. Kaya sinundan niya ang kanyang tanong. Sino ang kapwa na dapat niyang mamahalin? Walang problema tungkol sa Diyos kasi iisa lang ang Diyos na dapat mahalin. Pero ang kapwa – ang daming kapwa! Sino ba ang mamahalin niya sa mga ito? Ang kababayan ba niya? Ang kamag-anak ba niya? Ang mabait ba sa kanya? Bilang sagot, nagbigay si Jesus ng talinhaga na kilala natin ngayon na talinhaga ng Mabuting Samaritano.
Kawawa ang nabiktima ng mga tulisan. Hindi natin alam kung sino siya pero kawawa ang kanyang kalagayan. Siya ay halos hubad at sugatan, biktima ng pagnanakaw at pambubugbog. Nakita siya ng pari, isang tao na nag-aalay ng sakripisyo sa Diyos. Marahil galing siya sa Jerusalem na nag-alay ng dasal sa Diyos o papunta palang sa Jerusalem upang maglingkod sa templo. Pinabayaan lang niya ang sugatan. Busy yata siya sa kanyang mahalagang lakad na maglingkod sa Diyos. Magiging madumi pa siya sa paghawak niya sa isang katawan o isang bangkay na duguan. Nakita din siya ng levita. Ang levita ay ang tumutulong sa pari sa paglilingkod sa Diyos. Maaari nating sabihin na siya ay ang sacristan o ang lay minister. Hindi rin niya pinansin ito. May mahalaga din siyang gawain sa templo o baka natatakot siya na makialam. Baka nandiyan pa ang mga tulisan at siya naman ang nakawan. Dumaan din ang Samaritano. Ang Samaritano ay minamata ng mga Hudyo kasi ibang lahi sila at iba ang kanilang pagsamba sa Diyos. Iba ang pagkakita ng Samaritano. Sinabi sa atin: “Nakita niya ang hinarang at siya ay nahabag.” Maaaring may lakad din siya pero ang pinansin niya ay hindi ang lakad niya o ang kanyang sarili. Natuon ang atensiyon niya sa tao na nakahandusay sa daan. Naawa siya. Ito ang pagkakaiba sa kanyang pagtingin: may awa siya! Hindi naawa ang pari at ang levita kaya wala silang ginawa sa tao sa daan. Dahil sa awa agad-agad kumilos ang Samaritano. Bumaba siya sa kanyang hayop. Ginamit niya kung ano ang mayroon siya. Ginamit ang langis at ang alak na kanyang baon upang linisin ang sugat ng tao. Isinakay ito sa kanyang hayop at dinala sa isang bahay panuluyan at doon inalagaan pa. Hindi naman niya kilala ang taong ito at hindi niya kaano-ano. Maaaring ito ay isang Hudyo na kumukutya sa kanyang lahi. Hindi na niya ito siniyasat. Kinaumagahan, nagpatuloy siya sa kanyang lakad pero nag-iwan siya ng pera upang patuloy na matugunan ang pangangailangan ng biktima. At babalikan pa niya ito at babayaran kung may kailangan pa siya. Buo ang kanyang pagkalinga sa tao. Kakaiba siya sa atin. Minsan tumutulong nga tayo sa ating kapwa, pero pahapyaw lamang, basta lang maabutan ng kaunti upang makapatuloy na sa anumang lakad natin at huwag na tayo gambalain.
Ang tanong kay Jesus: “Sino ang aking kapwa?” Ang tanong ni Jesus sa eskriba: “Sino sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan.” Hindi nga mabanggit ng eskriba na “ang Samaritano.” Mababa nga ang tingin nila sa mga Samaritano. Ang sagot niya ay “ang nagpakita ng habag sa taong sugatan.” Tama ang kanyang sagot. Makikita natin ang kapwa kung tayo ay nakikipagkapwa. Ang paalaala ni Jesus sa kanya ay: “Ganyan din ang gawin mo.”
Hindi si Jesus ang nagbigay ng sagot sa mga tanong ng eskriba. Siya mismo ang nagbigay ng sagot at tama naman ang kanyang mga sagot. Totoo nga sinabi ng Diyos sa ating unang pagbasa. Ang kaalaman ng tama o mali ay hindi malayo sa atin. Ito ay nasa ating puso, dapat lang natin itong gawin. Tandaan natin, hindi tayo maliligtas ng atin kaalaman kundi ng ating ginagawa.
Sinabi po ni Jesus, kung iniibig mo ako, gawin mo ang aking utos. Ang kanyang utos ay mag-ibigan kayo. Ang iibigin natin ay ang sinumang natatagpuan natin sa ating daan na may kailangan. Gawin natin ang ating makakayanan upang makatulong sa kanya. Sa ganitong paraan iniibig natin ang Diyos na nagmamahal sa lahat. Napapadama natin sa taong nangangailangan ang pagkalinga ng Diyos. Ito ay ang daan upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.