7,654 total views
4th Sunday of Advent
Mic 5:1-4 Heb 10:5-10 Lk 1:39-45
Ngayon na ang huling Linggo sa apat na Linggo ng Adbiyento. Nakasindi na ang lahat ng kandila sa ating Corona ng Adbiyento. Dumadating na ang bukang liwayway at sa ilang sandali na lang, darating na ang liwanag ng kaligtasan. Sinabi na sa atin sa ating unang pagbasa kung saan ito magaganap – sa Bethlehem. Ito ay isang maliit na lugar lamang pero naging dakila kasi ito ang nayon ni David, ang dakilang hari ng Israel. Dito din nila inaasahan na isisilang ang sanggol na maghahari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ililigtas niya ang lahat at ang kanyang pamumuno ay magdadala ng kapayapaan. Dito nga isinilang si Jesus. Dahil sa paniniwala na may hari na daratng, natakot si Haring Herodes noong mabalitaan niya sa mga pantas na isinilang na ang Hari ng mga Judeo. Pinapatay niya ang mga sanggol sa Bethlehem kasi ayaw niya na magkaroon ng karibal na hari ng mga Hudyo.
Bago si Jesus isinilang, nasa tiyan pa lang siya ng kanyang inang si Maria, kinilala na siya na Panginoon ni Elizabeth dahil sa udyok ng Espiritu Santo. Kaya nagulat at natuwa si Elizabeth sa pagdating ni Maria sa kanyang bahay at napasabi siya: “Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon?”
Dumating ang Panginoon sa atin kasi naging masunurin si Maria. Kaya sinabi ni Elizabeth sa kanya: “Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon.”
Pero hindi lang si Maria ang naging masunurin. Narinig natin sa ating ikalawang pagbasa na ang Anak ng Diyos mismo ay naging masunurin sa Ama. Sinabi niya: “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Gusto ng Diyos na mapalapit uli ang tao sa kanya. Hindi naman ito magagawa ng mga susunuging alay. Kahit na ang daming mga hayop ang naialay at sinunog, nandiyan pa rin ang kasalanan na naghihiwalay ng tao sa Diyos. Kaya ang handog ng Diyos Anak sa Ama ay hindi hayop kundi ang kanyang sarili. Kinuha niya ang laman ng tao at naging tao siya upang madala niya ang mga tao sa Diyos. Kaya ang Diyos ay naging tao upang ang mga tao ay maging tulad ng Diyos at sa gayon makalapit sa Diyos. Sinunod ng Diyos Anak ang kagustuhan ng Diyos Ama. Naging tao siya at nakilala natin siyang Jesus na taga-Nazareth.
Ang Diyos ay naging tao dahil sa masunurin siya sa Ama. Naging tao ang Anak ng Diyos dahil naging masunurin si Mama Mary sa plano ng Diyos. Kaya sinabi niya sa anghel: “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ayon sa iyong kalooban.” Mapapasatin ang kaligtasan na ngayon ay inaalok na sa atin kung tayo ay magiging masunurin din sa Diyos. Kaya ang susi sa kaligtasan ay ang pagiging masunurin.
Ang pagiging masunurin ay ang paraan patungo sa kaligtasan. Kailangan ng kababaang loob upang maging masunurin. Ang mayayabang ay hindi magiging masunurin kasi bahagi sa pagsunod ay ang pagpapakumbaba. Si Maria ay masunurin kasi ang tingin niya sa sarili niya ay alipin ng Panginoon. Si Adan at si Eba ay hindi naging masunurin kasi ayaw nilang manatiling nilalang lang ng Diyos. Gusto nilang maging kapantay ng Diyos.
Magpailalim tayo sa Diyos at sundin ang mga utos niya. Hindi natin masusunod ang mga utos kung hindi natin ito alam. Kaya kasama ng pagpapakumbaba ay ang kaalaman sa mga kagustuhan ng Diyos. Kaya nga tayo nagbabasa ng Bibliya. Kaya ng tayo nakikinig sa mga aral ng simbahan. Kaya nga mayroon tayong Banal na Aral. Kaya nga tayo nagdarasal. Ang mga ito ay mga paraan upang lalong makilala ang Diyos at upang malaman ang kagustuhan niya.
Para maging masunurin kailangan din natin na maging matiyaga. Palagian ang ating pagsunod sa Diyos, hindi lang paminsan-minsan. Si Jesus ay naging masunurin sa Ama hanggang kamatayan sa Krus. Sinabi niya na ang kanyang pagkain ay ang pagtupad sa kagustuhan ng Diyos. Kaya, mga kapatid, palagi nating sundin ang kalooban ng Diyos. Diyan tayo magiging malapit sa kanya. Maliwag na sinabi sa atin sa Bibliya na ang umiibig sa Diyos ay ang gumagawa ng kanyang kalooban. Kaya kailangang limutin ang sarili at isantabi ang sariling kagustuhan upang magawa natin ang kagustuhan ng Diyos.
Malapit na ang pasko. Malapit na ring dumating uli ang Panginoon. Sana ang panahon ng Adbiyento na malapit nang magtapos ay pumukaw sa ating damdamin na manabik sa Panginoon na darating. Mapapalapit tayo sa kanya na darating kung nagsisikap tayong maging masunurin sa Diyos. Kailangan ng pagpapakumbaba at kaalaman sa kanyang kalooban na ating susundin at kailangan na maging palagiang attitude ang pagsunod sa kanya.