1,054 total reads
Kinikilala ng Caritas Philippines ang dedikasyon ng mga humanitarian worker na patuloy na tumutulong at nakikiisa sa mga komunidad na apektado ng krisis para sa naging paggunita ng World Humanitarian Day.
Ayon sa Caritas Philippines, mahalaga ang papel ng mga humanitarian worker sa pagtugon sa mga sakuna, pagbibigay ng emergency assistance, at pagtulong sa mga komunidad na makabangon at muling makapagtayo ng kanilang buhay.
Binigyang-diin ng organisasyon na ipinapakita ng mga humanitarian workers ang malasakit, tapang at pagkakaisa sa aktuwal na pagtulong sa mga nangangailangan, lalo na sa panahon ng kalamidad at iba pang krisis.
“On World Humanitarian Day, we recognize our dedicated humanitarian workers who stand alongside communities in times of crisis. From disaster response and emergency assistance to rebuilding lives and restoring hope, they embody compassion, courage, and solidarity in action. Let us amplify their voices, celebrate their commitment, and continue to #ActForHumanity by standing with those who serve and those who need support,” ayon sa mensaheng binahagi ng Caritas Philippines.
Hinimok naman ng Caritas Philippines ang publiko na palakasin ang boses ng mga humanitarian worker, kilalanin ang kanilang sakripisyo at patuloy na makiisa sa mga taong nangangailangan ng suporta, bilang bahagi ng panawagang #ActForHumanity.
Sa pamamagitan nito, naniniwala ang Caritas Philippines na mahalagang ipagpatuloy ang pagkakaisa at malasakit para sa kapwa, lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan ng tulong.
Ngayong taon, nakatuon ang paggunita ng United Nations sa World Humanitarian Day upang bigyan ng higit at mas kinakailangang pansin ang Universal Health Care at pagsusulong ng kapayapaan sa mundong nababalot ngayon ng ibat-ibang sigalot o digmaan.




