1,067 total reads
Umapela si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na paigtingin ang pagbibigay-pansin sa mga kabataan lalo na sa mga tahimik na nahaharap sa matinding suliranin.
Ito ang apela ng kardinal kasunod ng insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong August 18 na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang gunman.
Ayon kay Cardinal Advincula, hindi dapat matapos sa pakikiisa at pakikiramay sa mga biktima ang pagtugon sa insidente, kundi dapat itong humantong sa mas malalim na pag-unawa sa mga pinagdaraanan ng kabataan.
“We must not allow this tragedy to pass without listening deeply to what it tells us about the struggles of our young people,” ayon kay Cardinal Advincula.
Batid ng kardinal na maraming kabataan ang maaaring tahimik na nakikipaglaban sa kalungkutan, pagkabalisa, kawalan ng pag-asa, mga problema sa pamilya, bullying, at academic pressure—mga suliraning madalas hindi nakikita ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Iginiit ng arsobispo ng Maynila ang kahalagahang makinig at alamin ang kalagayan ng mga kabataan.
“We need to listen to them, not only when they speak loudly, but especially when they suffer quietly,” giit ng kardinal.
Sa isang pag-aaral ng mga Filipino researchers na inilathala ng Cambridge University Press, mas tumaas ang bilang ng mga kabataang nakararanas ng suliranin sa mental health, o isa sa bawat limang kabataang edad 15 hanggang 24 ang nakararanas ng moderate to severe depression.
Hinimok ni Cardinal Advincula ang mga pamilya, paaralan, Simbahan at iba pang institusyon na lumikha ng mga ligtas na lugar kung saan maaaring magsalita ang kabataan nang walang takot na mahusgahan at makahingi ng tulong nang walang kahihiyan.
Binigyang-diin ng kardinal na hindi lamang nakapipinsala sa pisikal na aspeto ang mga karahasang nangyayari, lalo na sa loob ng mga institusyong inaasahang ligtas at huhubog sa kakayahan at karunungan ng mga kabataan.
“An act of violence within a school community wounds more than those who are physically injured. It wounds the sense of safety and trust that should allow our young people to learn, grow, dream, and become who God calls them to be,” ayon pa sa kardinal.
Sa halip na manaig ang takot at karahasan, nanawagan si Cardinal Advincula ng sama-samang pagkilos upang palakasin ang kultura ng malasakit, pakikiramay, diyalogo at paggabay sa kabataan.
“Let us strengthen a culture of care, compassion, dialogue, and accompaniment so that violence and hatred may never have the final word,” aniya.
Patuloy ang pakikiisa at pakikiramay ni Cardinal Advincula sa mga biktima, kanilang pamilya, mga nasugatan at na-trauma, gayundin sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na patuloy na humaharap sa mga epekto ng insidente.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente habang tinutugunan naman ng ADZU ang psychosocial supporta para sa mga indibidwal na nakaranas ng trauma dahil sa insidente.




