208 total views
Ibinahagi ni Lipa Batangas Archbishop Gilbert Garcera na patuloy na nararamdaman ng mga Bantagueño ang diwa ng Pasko sa gitna ng pagsubok na kinakaharap bunsod ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ayon sa arsobispo, higit naipamalas ng sambayanan ang tunay na diwa ng pasko na pagbabahaginan sa kapwa lalo na ang mga Filipinong nagmula sa iba’t-ibang lalawigan na dumalaw sa Batangas upang magkaloob ng tulong sa mga lumikas na residente.
“Napakaraming pagninilay ang bunga ng pagsabog ng Taal, unang-una since katatapos lang ng Christmas na panahon ng pagbibigayan, pagpapatawad, at panahon ng reunion; kitang-kita ‘yan dito sa Batangas,” pahayag ni Archbishop Garcera sa Radio Veritas.
Bagamat labis na ikinatuwa ng mga evacuues ang pagdamay ng buong bansa hinikayat ni Archbishop Garcera ang mga biktima na huwag mawalan ng pag-asa sapagkat ibinigay ng Diyos Ama si Hesus para sa kaligtasan ng mamamayan.
“Sa mga evacuues sana hindi sila mawalan ng pag-asa sapagkat si Hesus ay ibinigay sa atin; sa gitna ng pagsabog ng [bulkan] Taal mahalaga ang spirit of hope at spirit of clinging to the Lord,” pahayag ng Arsobispo.
Agad na ipinag-utos ni Archbishop Garcera sa mga pari ng arkidiyosesis ang pagbukas ng mga simbahan sa mga residenteng lumikas partikular mula sa mga bayan ng Talisay, Laurel, Saan Nicolas, Lemery, Taal at Agoncillo.
Ika-18 ng Enero sabay-sabay magdiriwang ng anticipated mass sa lahat ng mga evacuation centers sa buong arkidiyosesis bilang pagpapatibay ng pananampalataya ng mga biktima ng pagputok ng bulkan.
Bago matapos ang Banal na Misa isasagawa ang paghawak o paghalik sa Banal na Krus upang ipahayag ang pag-asa sa Diyos kasunod ang pamamahagi ng mga stampita o prayer guide para sa bawat mananampalataya.
Mensahe ni Archbishop Garcera sa mga Filipino ang patuloy na panalangin para sa mga biktima ng pagligalig ng bulkan at paghahari ng diwa ng Pasko ng Pagsilang ni Hesus.
“Huwag po ninyong kalimutan na ipagdasal kami [Batangueño] at ipagdasal ang bawat isa na may kagandahang loob bunga ng Pasko.”