9,802 total views
Inaanyayahan ng Archdiocese of Manila Ministry on Integral Ecology ang mga mananampalataya na makibahagi sa pagbubukas sa ika-11 Season of Creation sa arkidiyosesis.
Magaganap ito sa August 31, 2024 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa Lourdes School of Mandaluyong sa Mandaluyong City.
Mula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali ay isasagawa ang poster making contest para sa para sa mga batang nasa kategoryang edad 6 hanggang 10 taong gulang na may temang “Kalikasan, Biyaya ng Diyos”; habang para sa mga edad 11 hanggang 18 taong gulang, ang tema ay “Umasa at Kumilos kasama ang Sangnilikha.”
Kasabay nito ay ang Forum na tatalakay sa mga paksa tulad ng Health and Environmental Impacts of Genetically Modified Organism (GMO); Pasig River Expressway (PAREX): Agree or Disagree?; Urban Biodiversity Audit/Labelling; 10 Million Solar Roofs, what’s my share?; at Workshop on Energy Audit.
Isasagawa naman mula ala-una hanggang alas-tres ng hapon ang workshop para sa First Aid and Rescue; Solar Lamp Assemblying; at Plastic Pollution effects and solutions.
Samantala, ganap na alas-5:30 ng hapon nama’y pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na Misa sa Saint Francis of Assisi Parish sa Mandaluyong City, na susundan ng Walk for Creation in Solar Lamp.
Taong 2013 nang ilunsad nang noo’y Arsobispo ng Maynila, at kasalukuyang Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization Luis Antonio Cardinal Tagle ang Archdiocesan celebration ng Season of Creation, na layong hikayatin ang higit pang mga katoliko upang palalimin at palawakin ang kamalayan sa mga tungkulin bilang mga katiwala ng inang kalikasan.
Tema ng Season of Creation ngayong taon ang “To Hope and Act with Creation” kung saan una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pangangailangan para sa magkakatuwang na pagkilos para sa nag-iisang tahanan.
Simbolo naman ng pagdiriwang ang “The First Fruits of Hope” na hango mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma.
Ipagdiriwang sa Pilipinas ang Panahon ng Paglikha mula September 1, kasabay ng World Day of Prayer for the Care of Creation, at magtatapos sa October 13, kasabay naman ng National Indigenous Peoples’ Sunday.