15,912 total views
Ito ang panawagan ni Arnold Janssen Kalinga Foundation founder Rev. Fr. Flavie Villanueva, SVD para sa mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas(Philippine National Police) sa ibinunyag ni Police Lt. Col. Jovie Espenido na pagpapatupad ng quota at reward system sa marahas na implementasyon ng laban kontra illegal na droga ng administrasyong Duterte.
Ayon sa Pari, hindi na dapat mabahala ang magigiting na pulis na itama ang mga naganap na mali sa ilalim ng administrasyong Duterte dahil tapos na ang panahon ng mga Duterte.
Ipinaliwanag ni Fr. Villanueva na hindi dapat na hayaan ng mga pulis na tuluyang mabansagan ang PNP na “malaking crime syndicate” na kumikilos sa tiwali at baluktot na utos ng mga opisyal ng nakalipas na administrasyon.
“Sa mga magigiting na pulis na ngayon ay marahil nababagabag sa kanilang mga nadidinig na mga balita tungkol sa nagdaang patayan at kampanya ng giyera laban sa droga, tapos na po ang panahon ng mga Duterte. Ito ay isa sa pinakamalagim, kung hindi pinakamadugo na kabanata ng ating kasaysayan, ayaw po natin at huwag po sana natin ilagay ang ating sarili, ang malinis nating pangalan sa peligro at sa bansag na tayo ay may dugo sa ating mga kamay. Maari pa itong baguhin, maari pa tayong magpahayag at kung anuman ang mali na ating nagawa dahil tayo ay sumunod sa tiwali at sa baluktot na utos, maari pa natin itong bigyan ng katarungan.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Villanueva sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng Pari, founder ng Program Paghilom para sa mga naiwang kaanak ng mga biktima ng extra-judicial killings dulot ng War on Drugs, na maari pang magbago ang mga magigiting na alagad na batas at makatulong sa pagbibigay katarungan sa mga biktima ng War on Drugs.
Iginiit ni Fr. Villanueva na mahalaga ang pagtestigo at pagpapatotoo ng mga pulis sa kanilang naging pagsunod sa pagsasakatuparan ng marahas na implementasyon ng War on Drugs ng dating pangulong Duterte at dating PNP Chief na ngayo’y Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Ayon sa Pari, napapanahon na samantalahin ang pagsibol ng katotohanan upang mabigyan ng katarungan ang lahat ng mga biktima ng War on Drugs sa pamamagitan ng pagsiwalat sa mga naganap noong nakalipas na administrasyong Duterte.
“Sa ngalan po bilang Pilipino, bilang maka-Diyos at sa mga kaluluwa na pinatay, pinaslang na walang kalaban laban, maari pa natin silang bigyan ng katarungan sa inyong pagtestigo, sa inyong pagpapatotoo na kayo ay ginamit lamang, inutusan lamang, binayaran lamang upang maisakatupan ang sakim na plano sa pangunguna ni Rodrigo Duterte at ni Senator Bato Dela Rosa. Hindi po kayo dapat na matakot sapagkat ito na po ang katotohanan sumisibol at patuloy ng inilalabas, pagsamantalahan po natin ang katotohanang ito at tayo ay pumanig kasama ang mga ating mga kababayan na naninindigan sa katotohanan at higit sa lahat ang Diyos na mapagkalinga sa tuwina.” Dagdag pa ni Fr. Villanueva.
Batay sa isinumiteng affidavit ni Espenido sa pagharap nito sa House Quad Committee ay ibinunyag ng opisyal ang pag-iral ng quota at reward system sa Philippine National Police sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte kung saan nagtakda ng 50 hanggang 100 na mapapatay na drug suspek kada bawat araw habang nasa P20,000.00 naman ang reward na matatanggap ng mga pulis.
Matatandaang taong 2016 ng sinimulan ni Fr. Villanueva ang Program Paghilom upang makatulong at makapagpaabot ng suporta sa lahat ng mga naiwang mahal sa buhay at kapamilya ng mga nasawi sa War on Drugs ng adminisrasyong Duterte.
Upang mapalawak ang misyon ng Program Paghilom ay itayo ng AJ Kalinga Foundation ang Dambana ng Paghilom – Himlayan ng mga biktima ng EJK sa La Loma Cemetery sa Caloocan na nagsisilbi ring kauna-unahang EJK Memorial site.
Sa kasalukuyan, mahigit sa 300 ang mga pamilyang kinakalinga ng Program Paghilom ng Arnold Janssen Kalinga Foundation na nagkakaloob ng iba’t ibang tulong at suporta para sa naiwang asawa, magulang at anak ng mga biktima ng EJK sa bansa.(reyn)