17,692 total views
Muling makikiisa ang Archdiocese of Manila sa pagdiriwang ng ika – 12 edisyon ng 24 Hours for the Lord na pinasimulan ni Pope Francis noong 2014.
Sa liham sirkular ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula hinikayat nito ang nasasakupan na mag-organisa ng mga gawain sa kanilang komunidad sa March 28 hanggang March 29 alinsunod sa temang ‘You are my hope’ batay sa pagdiriwang ng Jubilee Year of Hope ngayong taon.
“I highly encourage all parishes, mission stations, chapels, especially the Jubilee Pilgrim Churches in the Archdiocese of Manila, and other ecclesial communities, to organize a celebration appropriate to their setting,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Layunin ng 24 Hours for the Lord na muling ituon bilang sentro ng pastoral life ng simbahan ang sakramento ng pagbabalik loob o kumpisal lalo na sa mga komunidad.
Dahil dito hinimok ni Cardinal Advincula ang mga pari ng arkidiyosesis na maglaan ng panahon para sa pagpapakumpisal.
“I urge all priests “to offer generous availability and self-dedication to allow the greatest possible opportunity for the faithful to benefit from the means of salvation by making time to be available in the confessional” this sacred season of Lent,” ani Cardinal Advincula.
Karaniwang isinasagawa ang 24 Hours for the Lord isang araw bago ang ikaapat na Linggo ng Kuwaresma o ‘Laetare Sunday’ bilang paalala ng kagalakan sa nalalapit na pagdating ni Hesus sa Pasko ng Muling Pagkabuhay na nakaugat sa diwa ng pagpapanibago at pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal.
Kasabay nito isinapubliko rin ng arkidiyosesis ang pastoral handbook kung saan nakapaloob ang rito ng pagdiriwang na mula sa Dicastery for Evangelization.