18,002 total views
Pinaalalahanan ni Dipolog Bishop Severo Caermare, chairperson ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang mananampalataya na magbuklod tungo sa kapayapaan at pagpapahalaga ng dignidad ng bawat isa.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagkahati-hati ng mamamayan sa kontrobersiyang pampulitika at pang ekonomiya.
Tinuran ni Bishop Caermare ang usapin ng paglilipat ng pondo ng Philhealth, pagbenta ng mga Gold Reserves ng bansa, kontrobersiya ng Maharlika Funds, labis na pagtaas ng National Budget at ang pag-aresto ng Interpol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Apela ng obispo sa mga pari at relihiyoso na manatiling walang pinapanigan sa halip ay gampanan gawaing magbubuklod sa mamamayan.
“Kini nga pahimangno (Presbyterorum Ordinis, 6) sa Vaticano II maglamdag ug maggiya kanuna kanato nga dili mahimong ‘partisan’ kondili mga magsasangyaw ug mga saksi sa kahiusahan diha sa ating mga wali ug nagkadaiyang matang sa pagpangalagad sa katawhan,” bahagi ng mensahe ni Bishop Caermare.
(Ang paalalang ito (Presbyterorum Ordinis, 6) mula sa Ikalawang Konsilyo ng Vaticano ay nagbibigay-liwanag at gumagabay sa atin upang hindi maging ‘partisan’ kundi maging mga tagapangaral at saksi ng pagkakaisa sa ating mga homoliya at iba pang paglilingkod sa komunidad.)
Hinimok din ni Bishop Caermare ang mga layko na manatiling nakapanig sa katotohanan at mahigpit na pinag-iingat laban sa fake news.
Binigyang diin ng opisyal na ang mga maling impormasyon ay lubhang mapanganib kaya’t dapat itong iwasan lalo na kung layunin lamang ng pag-share nito online ay makapagdagdag ng followers at hangaring pagkakitaan ang fake news.
“Ang mga ‘fake news’ sa multimedia makapahaling lamang og kasuko, ingon man, makapasamot sa ating pagkabahinbahin…maong magmaigmat unta kita niing maong mga hulga ug mamahimo unta kitang mga saksi sa Gahum sa kamatuoran,” dagdag ni Bishop Caermare.
(Ang mga ‘fake news’ sa multimedia ay maaaring magdulot lamang ng galit at magpapalala sa pagkakawatak-watak ng mamamayan… kaya’t maging mapanuri tayo sa mga banta na ito at maging mga saksi ng katotohanan.)
Umapela rin si Bishop Caermare sa pamahalaan, militar at puwersa ng kapulisan na ipatupad ang ‘rule of law’ at gampanan ang tungkulin nang buong katapatan upang maiwasan ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Kasabay ng pagdiriwang ng Jubilee Year sa temang ‘Pilgrims of Hope’ sinabi ni Bishop Caermare na nawa’y manatiling buhay ang pag-asa ng bawat isa sa pamamagitan ng pakikialam at patuloy na pananalangin sa kabutihan ng bayan.
Pinaalalahanan din ng obispo ang mga botante na anumang tulong na ipinamamahagi ng mga politiko ay hindi dapat maging batayan sa paghalal ng mga mabuting lider ng bayan.
“Uban sa paglaum ug tinguha sa limpyo ug malinawon nga eleksyon, kita kanunay magbaton og masusihon nga hunahuna ug diskusyon nga ang mga ‘hatag-tabang’ sa gobyerno, dili iya sa kandidato kay gikan man sa buhis sa mga tawo ug dili mahimo nga ihatag sa tawo bugti sa sagrado nga boto,” giit ni Bishop Caermare.
(Kasabay ng pag-asa at hangarin para sa isang malinis at mapayapang halalan, dapat tayong maging mapanuri sa pag-iisip at talakayan na ang mga ‘ayuda’ mula sa gobyerno ay hindi pag-aari ng kandidato, sapagkat ito ay mula sa buwis ng mamamayan at hindi maaaring ipagkaloob kapalit ang sagradong boto.