14,096 total views
Ipinarating ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang pagbati at suporta sa West Philippine Sea: ATIN ITO! Movement sa ikatlong civilian lead mission patungong West Philippine Sea (WPS) at pagdaraos ng Peace and Solidarity Concert sa Mayo.
Ayon sa Obispo, malaking tulong ang misyon upang ipakita sa China na inaangkin ang WPS na nagkakaisa ang mga Pilipino sa paninindigan.
Sinabi ng Obispo ito upang higit na maipaalam sa mas marami pang Pilipino ang kinakailangan na pagkakaisa at higit na mapalalim ang kanilang kaalaman sa mga usaping may kaugnayan sa teritoryo.
‘I congratulate the ATIN ITO! Movement for making another mission to the West Philippine Sea para ipakita po na ang mga civilians ay handang magtaya para po sa West Philippine Sea at upang tawagin ang pansin ng ating mga kapwa Pilipino at nang International Press about doon sa ating paninindigan para po sa West Philippine Sea,’ ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Nagpapasalamat din si Bishop Pabillo sa mga inisyatibo ng ATIN ITO! Movement sa pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.
Unang idadaos ang Peace and Solidarity Concert sa Mayo na itatampok ang tanyag na mang-aawit at musikerong si Noel Cabangon, all-women rock group ng ‘Rouge’ kasama pa ang mga grupo ng mangingisda, progresibong sektor, musikero at mang-aawit upang magtanghal at manindigan para sa soberanya ng Pilipinas.
Sa May 25 naman itinakda ang target date sa paglalayag patungong WPS kasama ang mga makikilahok na mangingisda, sibilyan at media outlets sa ikatlong civilian-led mission.
“Kaya Maganda itong kanilang initiative na 3rd time na pupunta dito, pupunta doon sa civilian mission ng ATIN ITO! para ipakita sa lahat tayong mga Pilipino ay may paninindigan para sa ating sovereignity,” bahagi pa ng panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Una ng hinayag ng North Luzon Bishops kasama ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pakikiisa sa mga gawaing ipinaglalaban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.