13,143 total views
Muling nagtalaga ang Kanyang Kabanalan Francisco ng mga Pilipinong missionaries of mercy na magiging bahagi sa misyon ng pagpapalaganap ng dakilang habag, awa at pagpapatawad ng Diyos sa lipunan.
Ikinalugod ng Archdiocese of Lipa ang paghirang ng santo papa sa tatlong pari nito na mga missionaries of mercy na sina Fr. Rogelio Maynardo Beredo Jr., Fr. Jesse Lucas Balila, at Fr. Donaldo Dimaandal.
Sa Facebook post ng arkidiyosesis sinabi nitong ang tatlong bagong missionaries of mercy ay natatanging tungkulin sa simbahan sa paggawad ng Sakramento ng Pagbabalik loob o kumpisal kung saan maaring gawaran ng pagpapatawad ang mga kasalanang karaniwang nakalaan lamang sa santo papa.
“Ang pagkatalaga sa kanila bilang Missionaries of Mercy ay isang malaking karangalan at isang misyon na magdadala ng biyaya, pagpapatawad, at pagkakasundo sa ating mga komunidad,” ayon sa pahayag ng arkidiyosesis.
Matatandaang 2016 kasabay ng pagdiriwang ng Year of Mercy ay nagtalaga si Pope Francis ng mahigit 1, 000 Missionaries of Mercy sa buong mundo kung saan unang napabilang ang apat na Pilipino na sina Fr. Andres Ma. Rañoa, OFM, Fr. Pedro Roberto Manansala, OFM, Fr. Jerome Ponce, OFM, at Fr. Jose Litigio, OFM.
Taong 2020 nang muling magtalaga ang santo papa ng Filipino missionary of mercy na sina Fr. Prospero Tenorio at Fr. Nap Baltazar ng Diocese of Malolos at pawang nangangasiwa sa Divine Mercy Philippines habang apat naman mula sa Archdiocese of Lingayen Dagupan na sina Fr. Allan Morris Abuan, Fr. Danille Chad Pescon, Fr. Matt Jason Molina, at Fr. Roy Joel Rosal.
Gayundin ang mga pari mula sa Diocese of Balanga sa Bataan na sina Fr. Jhoen Buenaventura, Fr. Joseph Quicho at Fr. Jesus Navoa habang noong 2024 si Fr. Charles Allan Nemenzo, DCK mula sa Diocese of Kidapawan.