12,863 total views
Nilinaw ng Archdiocese of Cagayan de Oro na ang banal na misa ay bukas para sa lahat na nais makibahagi sa piging ng Panginoong Hesukristo.
Ito ang tugon ni Archbishop Jose Cabantan sa alegasyong nagsasagawa ng special daily mass ang Saint Augustine Metropolitan Cathedral para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte partikular sa kahilingang pagpapabalik sa bansa makarang arestuhin at madetine sa The Hague Netherlands.
Ayon sa arsobispo ang misa sa alas 5:30 ng hapon ay para lahat ng mga nagnanais dumalo ng misa at hindi ekslusibo sa ilang grupo.
“The Holy Mass is a sacred act of worship where the faithful gather to lift up their personal and communal intentions to God. It is never exclusive to any one person, group, or political cause,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cabantan.
Nilinaw din ni Archbishop Cabantan na ang mga placards na naglalaman ng mensahe para sa dating punong ehekutibo na inilagay sa labas ng katedral ay dala ng ilang tagasuporta na dumalo sa misa.
Tiniyak ng arsobispo na mananatiling lugar ng pananalangin at pagbubuklod ng mamamayan ang mga simbahan sa bansa.
“While the Church welcomes all to bring their prayers before God, it remains committed to its mission of universality and neutrality, ensuring that places of worship remain spaces of faith, reflection, and unity. The Church remains a mother to all, embracing everyone with pastoral care, without taking sides in political conflicts,” ani ng arsobispo.
Sinabi ni Archbishop Cabantan bilang pastol ng arkidiyosesis hinimok nito ang mga kristiyanong patuloy ipanalangin ang pagkakamit ng kapayapaan, pagkakaisa at pag-iral ng katarungan sa pamayanan.
Aniya nawa’y maging daan ng pagkakasundo ang bawat isa at umapelang iwasan ang pagbabahagi ng mga maling impormasyon na maaring magdudulot ng kalituhan sa mamamayan.
“As followers of Christ, we must rise above divisions and be instruments of reconciliation and truth. We urge everyone to seek truth from official Church sources and reject misinformation that sows discord,” dagdag pa ni Archbishop Cabantan.
Samantala una nang hiniling ni Davao Archbishop Romulo Valles sa mananampalataya ang kahinahunan at hinimok ang bawat isa na iwasan ang tunggalian sa halip ay ipanalangin ang kasalukuyang naransang tensyong pulitikal sa bansa na nawa’y sa tulong ng Panginoon ay iiral ang pagkakapantay-pantay, pagkakaisa at katarungan tungo sa isang mapayapang lipunan.