5,153 total views
Ito ang matapang na panawagan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa pakikiisa ng arkidiyosesis sa Trillion Peso March sa November 30.
Ayon sa arsobispo, ang lumalawak na kilos-protesta ay moral na pananagutan ng mga Kristiyano at ng mamamayang Pilipino na patuloy na nagdurusa sa epekto ng matinding katiwalian sa pamahalaan.
“Sa makabuluhang araw na ito tayo, ang Simbahan ng Lingayen Dagupan, ay nagpapahayag ng ating malinaw na espirituwal na pagkakaisa, kasama ang bawat kapatid na Pilipino, sa buong kapuluan, na pinipiling manindigan para sa Panginoon. Ikulong na ang korap!” ani Archbishop Villegas.
Tinukoy ng arsobispo ang mala-telenovelang pagsisiwalat ng malakihang pagnanakaw sa buwis ng bayan na posibleng umabot sa trilyong piso, pondong dapat sana’y nakalaan para sa kalusugan, edukasyon, at paglaban sa kahirapan.
“Ito ay hindi lamang isang espirituwal na gawain… ito ay isang civic na tungkulin at isang moral na pananagutan,” aniya, sabay giit na dapat pag-isahin ang tinig ng mamamayan upang durugin ang kultura ng korapsyon, pagpatay, at pagsisinungaling.
Binigyang-diin ng arsobispo na ang ugat ng kasalukuyang krisis ay nagsimula nang pahintulutan ng lipunan ang kultura ng pagpatay bilang mabilisang “solusyon” sa suliranin.
“Pinabayaan natin ang pagpatay sa mga mahihirap at mahihina. Dumalisdis tayong mabilis patungo sa pagnanakaw sa gobyerno. Ang killer at robber ay magkapamilya,” giit ni Archbishop Villegas.
Sinabi rin ni Archbishop Villegas na hindi maaaring pag-usapan ang trilyong piso ng pagnanakaw nang hindi inaalala ang mga biktima ng imoral at illegal na “war on drugs.”
“Habang humihiyaw tayo bilang protesta… hindi natin maaaring ibaon ang mga daing at luha ng mga mahihirap na sistematikong pinatay,” aniya.
Idinagdag ng arsobispo na nananatiling mahalaga ang paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng war on drugs, kabilang ang kasalukuyang pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC).
Binalaan din niya ang publiko sa patuloy na pagkalason ng katotohanan dahil sa disinformation at mga makinaryang nagkakalat ng pekeng salaysay.
“Ang ating pambansang krisis… ay isang krisis ng katotohanan mismo. Ang patuloy na paghampas ng fake propaganda ay naglalayong gawing manhid ang ating budhi,” giit ng arsobispo.
Hinimok ni Archbishop Villegas ang mamamayan na labanan ang kultura ng trolling, bashing, at digital vulgarity, at “i-decommission” ang mga sandatang online na ginagamit sa pangungutya at character assassination.
Hamon ni Archbishop Villegas na manindigan sa katotohanan kahit kapalit ang panganib sa hanapbuhay at ang posibleng backlash sa social media.
“Dalangin namin na ipagkaloob sa atin ng Banal na Espiritu ang lakas ng loob ni San Andres… upang tayo ay maging Simbahan sa malinaw na haligi ng katotohanan,” aniya.
Sa November 30, muling magsasama-sama ang iba’t ibang grupo, organisasyon, at Simbahang Katolika upang tutulan at kondenahin ang talamak na korapsyon sa pamahalaan na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng bansa.




