21,684 total views
Inalala at pinarangalan ng Archdiocese of Manila ang mga namayapang pari at relihiyoso ng arkidiyosesis sa isang misa na pinangunahan ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula noong November 18 sa Lay Force Chapel ng San Carlos Seminary Complex sa Makati City.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Cardinal Advincula na ang paggunita sa mga yumaong lingkod ng Diyos ay paalala rin sa bawat Kristiyano ng kasagraduhan at kahalagahan ng buhay.
“Memento mori is not just remembering our faithful departed. Memento mori is also about honoring the sanctity of life, recognizing the limitation of time, and the fragility of our existence,” ani ng arsobispo.
Ayon sa arsobispo, ang alaala ng mga namayapang pari at relihiyoso ay nagtuturo rin kung paano mamuhay nang may katapatan sa bokasyong pagtatalaga ng sarili bilang pari, relihiyoso o relihiyosa.
“We remember death, but we are not afraid of death. We celebrate life, but we hope to die because it will lead us to life,” dagdag pa ni Cardinal Advincula, bilang pagpapaalala na ang kamatayan ay pintuan tungo sa kaganapan ng buhay sa piling ng Panginoon.
Binanggit din ng arsobispo na ang bokasyon sa pagpapari, buhay-relihiyoso, at maging ang buhay-pamilya ay mga paraan ng pagpapadama ng pag-ibig ng Diyos sa sambayanan.
“Parenthood, priesthood, and religious life are living sacraments of God’s unconditional hospitality. We are temples of God’s presence in the world today, yet our life of continence points to our conviction of eternal life,” ayon pa sa kanya.
Dagdag ni Cardinal Advincula, ang pinakamainam na paraan upang parangalan ang mga yumaong pari ay ang ipagpatuloy nang buong sigasig at pag-asa ang misyong kanilang sinimulan.
“The finest tribute we can offer our departed priests is to carry forward the mission they began with zeal and hope,” giit ng kardinal.
Dumalo sa misa ang mga pari, madre, relihiyoso, at ilang kawani ng arkidiyosesis. Matapos ang liturhiya, nag-alay ng panalangin at nagbigay ng basbas si Cardinal Advincula sa columbarium ng San Carlos Seminary Complex, kung saan nakahimlay ang ilan sa mga namayapang obispo at pari ng Archdiocese of Manila.




