992 total reads
Isinagawa ng Diocese of Legazpi ang Pontifical Coronation ng imahen ng Nuestra Señora de Salvación sa pamamagitan ng Solemn Jubilee Mass noong Miyerkules, October 28, 2026 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diyosesis.
Dinaluhan ang pagdiriwang na isinagawa sa Saint Gregory the Great Cathedral ng mahigit 6,000 mananampalataya, 15 obispo, isang nuncio emeritus, isang apostolic administrator at daan-daang mga pari, na pinangunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle, na siyang bagong halal na Dean of the College of Cardinals.
Sa kaniyang homiliya, hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na patuloy na lumapit kay Hesus sa pamamagitan ng Mahal na Birhen, lalo na sa mga panahong nanganganib na mapalayo sa Panginoon ang bawat isa.
“When you feel you are drifting away from Jesus, reach out to the hand of Our Lady of Salvación, whose hand is always outstretched to catch us and bring us closer to Jesus; and she will assure us, ‘Do whatever He tells you,’ which is to go and tell the good news.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Pinasalamatan naman ni Legazpi Bishop Joel Baylon ang mga obispo, pari, opisyal ng pamahalaan at mga mananampalataya na nakibahagi sa ika-75 anibersaryo ng diyosesis.
Hinikayat din ng Obispo ang lahat na panatilihing buhay ang pananampalataya at patuloy na ibahagi ang Mabuting Balita sa lahat.
Hinimok din ni Bishop Baylon ang mga mananampalataya na ipagpatuloy ang diwa ng pananampalataya, pagkakaisa at misyon habang nagpapatuloy ang Diocese of Legazpi sa paglilingkod sa Simbahan at pamayanan.
Ipinahayag naman ni Fr. Gem Norries Penetrante, diocesan chancellor, ang papal decree na nagbibigay pahintulot sa Pontifical Coronation, na ipinagkaloob ng Vatican’s Dicastery for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments.




