895 total reads
Muling ipinaalala ng Arkidiyosesis ng Maynila na hindi nararapat na permanenteng itago sa loob ng bahay o sa altar ng pamilya ang ‘urn’ na naglalaman ng abo ng mga mahal sa buhay na sumailalim sa cremation.
Sa circular na inilabas ni Fr. Carmelo Arada Jr., chancellor ng Archdiocese of Manila, binigyan-diin ang wastong paglalagak at paggalang sa mga labi ng mga yumao, alinsunod sa mga panuntunan ng Simbahang Katolika.
“The cremated remains should be buried in a grave, mausoleum, or columbarium…the urn should not be kept permanently at home or family altar,” ayon kay Fr. Arada, batay na rin sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Liturgy .
Ipinaliwanag na ang wastong paglalagak sa mga labi ay pagpapakita ng paggalang sa mga yumao at pagpapahayag ng pananampalataya ng mga Katoliko sa muling pagkabuhay ng mga patay.
Ayon sa Arkidiyosesis, hindi nangangahulugang napuputol ang ugnayan ng pamilya sa mga yumao kapag inilagak na ang kanilang mga labi sa kolumbaryo o libingan.
Sa halip, maaari pa ring alalahanin at ipagdasal ng pamilya ang kanilang mga mahal sa buhay, lalo na ngayong Undas, sa pamamagitan ng sama-samang pananalangin at pagbabahaginan ng mga alaala tungkol sa kanila.
Hinimok din ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mga pamilyang Katoliko na gawing pagkakataon ang Undas upang sama-samang manalangin at alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay.
Ipinamahagi rin ng Arkidiyosesis ang panalangin para sa mga yumao na maaaring gamitin ng mga pamilya sa kanilang tahanan, sementeryo o kolumbaryo.




