786 total reads
Binigyang-diin ni Rev. Fr. Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma ang mensahe ni Pope Leo XIV tungkol sa ugnayan ng pananampalataya at kultura, na dapat makita at maisabuhay sa pang-araw-araw na buhay ng mga Kristiyano.
Sa kanyang ulat bilang Vatican Correspondent ng Radio Veritas, sinabi ni Fr. Gaston na sa kaniyang Wednesday Audience ipinaliwanag ng Santo Papa na ang pananampalataya ay hindi hiwalay sa mundo at kultura sapagkat maging si Hesukristo ay pumasok at namuhay sa isang partikular na kultura.
Ayon kay Fr. Gaston, ang kultura ay binubuo ng mga ginagawa at nililikha ng tao, mula sa pamilya at trabaho hanggang sa ekonomiya, politika at iba pang aspeto ng lipunan kaya naman hindi dapat manatiling hiwalay sa pang-araw-araw na buhay ang pananampalataya.
Ibinahagi rin ng Pari na ipinaliwanag ni Pope Leo XIV na maging ang mga turo ni Hesus ay may konkretong aplikasyon sa buhay, gaya ng pag-ibig sa kapwa na higit pa sa simpleng pag-iwas sa paggawa ng masama.
“Kaya ‘yung ating pananampalataya ay naka-connect, naka-connect sa ating kultura. Ayan, ito ang in-explain ng ating Santo Papa.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin din ni Fr. Gaston na ang parokya ay mahalagang lugar kung saan tumatanggap ang mga mananampalataya ng espirituwal na pagkain, lakas, liwanag, at biyaya sa pamamagitan ng Misa, mga sakramento, panalangin, at iba pang gawaing pastoral.
Sa kabila nito nilinaw ng Santo Papa na hindi dapat doon lamang manatili ang pagsasabuhay ng pananampalataya ng bawat isa.
“Hindi ibig sabihin na ‘yung ating action talaga ay doon sa parokya. Kung ‘yun lang, kung ‘yun lang ang buhay natin diyan patuloy sa parokya, sayang.” Dagdag pa ni Fr. Gaston.
Sa halip, hinimok ni Pope Leo XIV ang mga Katoliko na dalhin ang mensahe ni Kristo sa kanilang pamilya, trabaho, paaralan at iba pang lugar kung saan sila namumuhay at nakikisalamuha.
“Ang hamon sa atin ay doon sa labas ng parokya, dalhin ang mensahe ng Panginoon sa ating pamilya, sa ating kapwa, sa kung saan tayo nagtatrabaho, sa kung saan tayo nagsha-shopping, sa palengke man o sa mall, o kung saan tayo nag-aaral.” Ayon pa kay Fr. Gaston.
Pagbabahagi ni Fr. Gaston, nasusukat ang pagsasabuhay ng pananampalataya sa pagdadala ng mensahe ni Kristo sa loob ng kultura at sa konkretong realidad ng araw-araw na buhay ng bawat isa.




