11,270 total views
Hinahangad ng Parokya ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ng Malipampang, San Ildefonso, Bulacan na higit pang ipakilala at ipalaganap sa mas maraming mananampalataya ang pagdedebosyon sa Mahal na Birheng Maria o Apo Sayong.
Ayon kay Parish priest, Fr. Jose Jay Santos, ito ang layunin ng parokya bilang paghahanda para sa ika-100 taong pagdating ng imahen ng Santisimo Rosario sa Malipampang na ipagdiriwang sa February 22, 2026.
“Ito po ay bahagi ng aming paghahanda para sa aming sentenaryo. ‘Yun pong 100 years na pagdating ng birhen sa Malipampang… Ang layunin po namin ay hindi lamang po paghahanda, kundi maipakilala rin ang mahal na birhen ng Sto. Rosario, ‘di lamang sa loob ng aming parokya, bagkus po pati sa labas ng aming parokya,” pahayag ni Fr. Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Santos, ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario o kilala sa tawag na Apo Sayong, ay dinarayo ng mga mananampalataya ng lalawigan ng Bulacan dahil sa kaloob na biyaya at pagpapala sa mga humihiling ng panalangin.
Paliwanag ng pari na ang pagbisita ni Apo Sayong sa iba’t ibang parokya at diyosesis ay bahagi ng misyon upang sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria ay matanggap ng bawat isa ang biyaya mula sa Diyos.
Kasalukuyang nakadambana sa Radio Veritas Chapel sa Quezon City ang replica ng imahen ni Apo Sayong, at maaaring bisitahin upang mag-alay ng mga panalangin hanggang Miyerkules, August 14, 2024.
“Nais po naming makilala ninyo kung papaano ang biyaya na ibinibigay sa amin ng aming patron, ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ng Malipampang, kilala sa tawag na si Apo Sayong, kung papaano po kami ay sinamahan, inalalayan, at ipinagdasal, ganoon din po ang nais naming ibahagi,” paanyaya ni Fr. Santos.
Samantala, isinasagawa naman sa parokya tuwing ika-22 ng bawat buwan ang pagdedebosyon kay Apo Sayong kung saan itinatanghal ang Santisimo Sakramento, pagdarasal ng Rosaryo, pagdiriwang ng Banal na Misa, pagpuputong ng korona sa Mahal na Birhen, at iba pang gawain.
Taong 1926 nang dumating sa pamayanan ng Malipampang ang imahen ng Santisimo Rosario, at ipinagdiwang ang unang pista sa nayon noong February 22, 1927.
Tema naman ng ika-100 taong pagdiriwang ang “Sentenaryo 1926-2026: Isang Parokyang Nagpupuri at Nagpapasalamat Kasama si Maria”.