12,038 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Communication ang paggabay ng simbahan sa mga mananampalataya na gamitin sa tamang pamamaraan ang Artificial Intelligence para sa ikauunlad ng ng ekonomiya.
Nilinaw ni Fr.Ilde Dimaano, executive secretary ng CBCP-ECSC na bagamat hindi nakikialam ang simbahan sa mga programa at polisiya ng pamahalaan sa ekonomiya ay nakahanda itong magsilbing gabay para sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mamamayan.
“Ang simbahan ay hindi nakiki-alam sa kung ano man ang mga plataporma ng gobyerno, pero ang iniingatan ng simbahan ay kung paano, kung nakaka-sagabal ba, kung nakakasira sa dangal ng tao, syempre, ano ba ang pinauunlad ng ekonomiya? Dapat din pinauunlad ang dangal ng tao, iyan ang mahalaga. Kasi kung ang ekonomiya ay nagpapaunlad lang ng mayaman, o ng mga may-kaya, o ng mga meron, at naiiwan ‘yung mga mahihirap, mga nasa lansangan, ibig sabihin, kinakailangan itong tugunan ng simbahan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Dimaano.
Pangako ng Pari ang paninindigan ng simbahan sa wastong paggamit ng AI upang maging ang mga mahihirap o pinakanangangailangan sa lipunan ay may sapat na pamamaraan upang magamit ang mga benepisyo nito tungo sa pag-unlad.
Umaasa si Fr.Dimaano na magsilbing kasangkapan ng mga mananampalataya ang paggamit ng AI at makabagong teknolohiya sa kaunlaran sa halip na kasamaan.
“Dapat vocal ang simbahan diyan. Kaya naman, dapat intindihin din ng simbahan na baka naman nga itong paggamit ng AI na ito ay pumapabor lamang sa mga meron na at doon sa mga malalaking mga tinatawag na multi-billion dollar companies, at lalong magpapahirap sa ating mga mamamayan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Dimaano.
Ipinarating ng Pari ang mensahe sa nakalipas na National Catholic Social Communications Conventions na may temang “AI:Authentic Influencers for an Empowered Church” na dinaluhan ng 250-kawani, opisyal at volunteers ng mga social communications ministry ng 58-diyosesis, anim na religous organization at mga kalahok na church media.