149 total views
Umaasa si Engr. Francisco ‘Jun’ Aguilar – Pangulo ng Filipino Migrants Workers Group na pag-aaralan at suriing mabuti ng Commission on Elections ang pagpapatupad ng Internet Voting para sa mga Overseas Filipino Workers upang masolusyunan ang mababang voting turn-out tuwing eleksyon.
Nilinaw ni Aguilar na ang distansiya o layo ng mga voting places sa mismong kinaroroonan ng mga OFW ang isang pangunahing dahilan kung bakit mababa ang voting turn-out sa araw ng halalan.
“Ang the best solution at alam ko doable is internet voting, with technology available you don’t need to leave the house you can vote, you don’t need to leave your ship if you are a seafearer for you to be able to vote, lahat ng teknolohiya available kung talagang gustong padaliin ang buhay namin ng mga namumuno…” panawagan ni Aguilar sa COMELEC.
Ipinaliwanag ni Aguilar na mas makakaginhawa ang internet voting para sa mga OFW dahil hindi madali ang pag-alis at pagbiyahe ng mga ito patungo sa mga konsulado o tanggapan ng Embahada ng Pilipinas na kadalasang nasa kabisera ng bawat bansa.
Batay sa tala ng Comelec, noong 2010 umabot lamang sa 25.99 percent ang overseas voter turnout kung saan higit sa 150-libong OFW lamang ang bumoto mula sa higit 580-libong overseas registered voters, habang noong 2013 naman ay naitala ang 16.11-percent voter turnout kung saan mahigit sa 100-libo lamang ang bumoto mula sa 700-libong rehistradong OFW.
Matatandaang una nang inihayag ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People na maari ring ikonsedera at pag-aralan ng Comelec para sa mga susunod pang eleksyon ang pagsasagawa ng halalan sa mga Simbahan at parokya sa iba’t ibang bansa upang mas mapalapit sa mga botante.
Samantala ayon sa Center for Migrant Advocacy Philippines, aabot sa 5-libong mga Pilipino ang lumalabas ng bansa kada araw o 1.8-milyon kada taon.