5,318 total views
Hinimok ni Father Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas ang mga mananampalataya na ipanalangin ang ikakabuti ng mga mahihirap.
Sinabi ni Father Pascual na ang pagmamalasakit sa kapwa at pagiging daluyan ng habag at awa ang tunay na diwa sa paggunita ng World Day of the Poor sa November 17 araw ng Linggo.
Ayon sa Pari, sa pamamagitan ng panalangin at pakikiisa sa mga mahihirap ay nagsisilbi ang bawat isa na daluyan ng pagmamahal ng Panginoon para sa sanlibutan.
“Pagdasal po natin sa pamamagitan ng ating prayer that will help us rise to the Lord ang mga mahihirap na sila ay laging saklolohan ng Panginoon at gamitin tayong lahat, ang simbahan na maging instrumento ng katarungan at pagmamalasakit ng Diyos sa mga dukha, sabi nga sa Mateo 25, anuman ang gawin natin sa mga pinakamalilit at hamak, ginawa natin sa Panginoon, Amen at Amen,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Inihayag ni Fr.Pascual na ang mga mahihirap ang pangunahing biktima ng natural at man-made calamities na lalong nagpapalugmok sa kanila sa kahirapan.
“Sa Nobyembre disisyete, pinagdiriwang po natin ang World Day of the Poor at ipagdasal po natin ang mga mahihirap sila ang palaging biktima ng anumang kalamidad na gawa ng tao o gawa ng kalikasan, bagyo, sunog ang palaging biktima ay ang mga mahihirap,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Aktibo ang Caritas Manila sa pagpapaunlad at pagpapataas sa antas ng pamumuhay ng mga mahihirap kabilang ang Caritas Damayan na nakatuon sa disaster relief and response.
Kasama din ang mga Integrated Nutrition Programs at Unang Yakap Program na pagpapakain sa mga nagugutom o biktima ng malnutrisyon na isinasama ang mga lactating mothers upang matanggap nila ang mga sapat na nutrisyon.
Pinapalakas din ng Caritas Manila ang Segunada Mana Program na pagbebenta ng mga pre-loved items upang makalikom ng sapat na pondo para sa Youth Servant Leadership and Education Program na nagpapaaral sa limang libong scholars sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Pilipinas.