2,809 total views
Nanawagan si Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias sa mamamayan na ipanalangin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang buong katapatang gampanan ang tungkulin para sa bayan.
Sa pagninilay ng Obispo sa ika-pitong araw ng Misa Nobernaryo ng EDSA Shrine at paggunita ng ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power ay inanyayahan nito ang bawat isa na ipanalangin ang tapat na paglilingkod para sa common good ng mga Pilipino.
Ayon kay Bishop Tobias, mahalagang si Pangulong Marcos Jr. ang manguna at magsilbing halimbawa sa tapat na paggamit ng posisyon at katungkulan.
Sinabi ng Obispo na bukod sa pagpuna sa Pangulo ay mahalaga rin ang pananalangin upang gabayan ng Panginoon ang pinakamatas na lider ng bansa sa kanyang pagsisilbi para sa bayan.
“I just want to ask our own president, you know lead by example, be confident of your office and the votes you got but those votes are a great responsibility, so much expectation of you. And so we had to pray for our own president, you know not just criticize but pray and the votes you had is enough to make you rule but rule with humility.” pagninilay ni Novaliches Bishop Tobias.
Partikular namang umapela si Bishop Tobias kay Pangulong Marcos Jr. na hingin ang gabay ng panginoon sa mga desisyon para sa kapakanan ng bawat mamamayan.
Giit ng Obispo, mahalagang matukoy ng Pangulo kung sino ang mga dapat na pakinggan sa lahat ng mga taong nakapaligid sa kanyang pamumuno sa bansa.
Paliwanag ni Bishop Tobias, bagamat marami ang nagulat sa pagkapanalo ni Pangulong Marcos Jr. ay mahalaga namang respetuhin ng bawat isa ang desisyon ng mas nakararami at suportahan ang halal na pangulo ng bansa.
“Please have the sense of who is to be listened to, there will be so many whispers to you as president but please sit down be yourself and pray, pray for God’s own enlightenment for you to make a decision that is the best for the country, this is the expectation and so we pray for you because even if everybody or people were surprise, you are our president.” Dagdag pa ni Bishop Tobias.
Nilinaw ng Obispo na mahalaga ang pananalangin sa pamamagitan ng Our Lady of Peace na Birhen ng EDSA upang gabayan ang bawat mamamayan lalo’t higit ang mga lider ng bansa, ng pamayanan at maging ng Simbahan sa kanilang pagganap sa kani-kanilang tungkulin.