163 total views
Mahalagang palalakasin ang pagtulong sa kapwa upang mai-angat sa kahirapan.
Ito ang binigyang diin ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications sa pagbubukas ng Caritas Margins Expo ng Caritas Manila sa Taguig City.
Tampok sa Caritas Margins Expo ang mga produktong gawa ng mga maliliit na negosyante at ng mahihirap na sektor ng lipunan.
Ayon sa Obispo, dapat maunawaan ng tao na hindi sapat ang dole-out sa pagtulong sa mga dukha kundi tulungang mabigyang kalakasan na mapagyabong ang mga ibinabahagi upang mamunga at maging daan na makaahon sa kahirapan.
“Ang pagtulong sa mga dukha ay hindi dole out, dapat ang pagtulong na may kaakibat na empowerment.” pahayag ni Bishop Vergara sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na ang simpleng pagtulong sa mga mahihirap na magkaroon ng hanapbuhay ay konkretong hakbang sa pagtugon sa suliranin ng kahirapan sa Pilipinas.
“It is a matter of not simply giving fish but teaching people to fish.” dagdag ng Obispo.
Batay sa pag-aaral ng Social Weather Stations noong Disyembre ng nakalipas na taon ay 11 milyong Filipino ang nagsasabing naghihirap.
Sinabi naman ni dating National Anti-Poverty Commission chairperson Liza Masa na higit sa 330 libong pamilya ang lalong naghihirap dulot ng ipinatupad na reporma sa pagbubuwis o ang Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ang Caritas Margins Expo ay nagsimula noong ika – 5 hanggang ika – 7 ng Oktubre sa Market Market Taguig City, tampok ang higit isanlibong produkto na mula sa small medium enterprise.
Sa katuruan ng Simbahan higit na mahalaga ang matulungan ang mga mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at mga pagsasanay pangkabuhayan na maging daan upang mapalaya sa kahirapan ang tao.