202 total views
Nagpaabot ng panalangin at pakikiisa ang Archdiocese of Manila sa mga nasalanta ng 7.5-magnitude na lindol na nagdulot ng 20-talampakang tsunami sa Palu, Sulawesi, Indonesia.
Bilang pakikibahagi, hinikayat ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Pangulo ng Caritas Internationalis ang lahat ng mga parokya, simbahan at dambana sa buong arkidiyosesis na magsagawa ng second collection upang makalikom ng pondo na maaring makatulong sa mga nabiktima ng trahedya.
Batay sa Circular Letter na nilagdaan ni Archdiocese of Manila Chancellor Rev. Fr. Reginald R. Malicdem, sa pamamagitan ng atas ni Cardinal Tagle ay nakatakda ang pagsasagawa ng second collection sa Sabado ng gabi, ika-6 ng Oktubre hanggang Linggo ika-7 ng Oktubre.
Ang hakbang base sa Circular ay bahagi ng apela ni Cardinal Tagle sa buong Simbahan ng arkidiyosesis na ibahagi ang habag, awa at pagmamahal ng Diyos sa mga naapektuhan ng trahedya sa Indonesia.
“As a gesture of Christian love, our Archbishop, Cardinal Luis Antonio G. Tagle, is requesting that a second collection be taken up at all Sunday Masses, from evening of Saturday, October 6, and whole day of Sunday, October 7.” bahagi ng Circular Letter
Kalakip din nito ang tagubilin na maipadala ang lahat ng mga malilikom na pondo sa Treasury and Accounting Department ng Arzobispado de Manila bago ang ika-12 ng Oktubre.
Naunang nagpaabot ng panalangin at pakikiisa ang Kanyang Kabanalan Francisco para sa lahat ng mga biktima ng trahedya sa Indonesia at nanawagan sa mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin o anumang tulong para sa mga biktima at rehabilitasyon ng buong kumunidad.
Batay sa pinakahuling tala, umaabot na sa mahigit 4,124 ang bilang ng mga nasawi sa lindol at tsunami.