2,723 total views
Ang Mabuting Balita, 25 Pebrero 2025 – Marcos 9: 30-37
KAHIYA-HIYA
Noong panahong iyon, sina Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagdaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ito ng mga tao, sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya: “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi nila naunawaan ang sinabi niya, ngunit natatakot naman silang magtanong sa kanya.
At dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumanggap sa akin — hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”
————
Hindi sila nakakibo nang tanungin ni Jesus, marahil dahil alam nilang KAHIYA-HIYA ang umamin na ang pinagtatalunan nila’y kung sino ang pinakadakila sa kanila. Sa lahat ng pamantayan, alam nilang si Jesus ang pinakadakila. Marahil, may ilan sa kanila na nagnanais na maging pangalawang pinakadakila kay Jesus, tulad ng kagustuhan ng ina nina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mailuklok ang isa sa kanan at ang isa sa kaliwa ni Jesus sa kanyang Kaharian (Mateo 20:20-21).
Likas sa atin ang ikumpara ang sarili sa iba, lalo na sa mga lumaking itinulak ng kanilang mga magulang na abutin ang hangganan ng kanilang kakayahan at ang naging epekto nito ay ang palaging pakikipagkumpetensya sa iba. Nakalulungkot man, may mga magulang ding hindi matanggap ang limitasyon ng kanilang mga anak. Maging ang ating mga paaralan ay nagbibigay ng parangal sa mga nakakakuha ng matataas na grado, lalo na sa pinakamataas. Siyempre, ginagawa ito upang hikayatin ang mga mag-aaral na pagsikapang matuto ng husto. Ngunit habang tayo ay tumatanda, natututuhan nating hindi natin kayang maging pinakamahusay sa lahat ng bagay. Laging may mas mahusay kaysa sa atin. Bawat isa sa atin ay may natatanging maiaambag sa mundo, at hindi mahalaga kung ito ay malaki o maliit, basta ito ay ibinibigay nang taos-puso.
Kung ating laging alalahanin na iisa lamang ang tunay na dakila—ANG DIYOS—at wala ni isa sa atin ang maaaring makipagkumpetensya sa kanya dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng ating kakayahan at pagpapala, tunay ngang KAHIYA-HIYA ang isiping tayo ang pinakadakila gaano man katanyag tayo o karami ang ating mga tagumpay. Kung gugugulin natin ang ating buhay sa palaging pakikipagkumpetensya sa iba, magiging isang pag-aaksaya lamang ito ng oras sa mundo at isang walang katapusang pagkabagabag at pagkapagod para sa ating sarili.
Panginoong Jesus, turuan mo kaming ialay ang aming sarili sa mapagpakumbabang paglilingkod sa sangkatauhan!