190 total views
Paiigtingin ng Greenthumb Coalition ang pagkilos upang maisama sa agenda ng mga pulitiko ngayong election 2016 ang suliranin ng bansa sa kalikasan.
Ayon kay Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina na kasapi ng Greenthumb Coalition, magtatalaga ng kinatawan ang mga environment advocates sa huling presidential debate upang mas mapalalim ang pagtalakay sa usapin ng nagbabagong klima.
Dagdag pa ni Garganera, aalamin din ng koalisyon ang katayuan ng mga kandidato sa iba’t ibang usaping nasasaklawan ang kalikasan tulad ng mining, logging, coal, biodiversity protection, waste management, integrity of creation at iba pa.
Aniya, hindi dapat ihalal ang mga kandidatong walang malasakit sa kapaligiran.
“Tina-target natin na sa huling presidential debate ay mapadami yung punto ng diskusyon tungkol sa kalikasan. So sisiguraduhin natin na may mga tanong tungkol sa kalikasan, may mga tao na kumakatawan sa mga makakalikasang issue na nandoon at sana matukoy mismo ng mga kandidato na ano yung kanilang position sa mga environmental issues.” Ang pahayag ni Garganera sa panayam ng Radyo Veritas.
Bilang bahagi ng pagpapaigting sa kampanya ng Greenthumb inilunsad nito ang Scorecard na naglalaman ng mga katanungang susukat sa kakayahan at intensyon ng mga kandidato na proteksyunan ang kalikasan.
Ihahayag ng grupo ang resulta sa ika-22 ng Abril kasabay ng pagdiriwang ng Earth Day.
Samantala, una na ring nailunsad sa walong lalawigan ang Green Thumb Campaign kung saan umabot sa 13,000 mamamayan ang nakibahagi upang ipakita ang pagsuporta sa adhikaing pangalagaan ang kalikasan.
Hinimok naman kanyang Kabanalan Francisco sa Ensiklikal nitong Laudato Si, ang lahat ng tao na makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa sariling kultura, karanasan, at talento.