2,221 total views
Ipinapanalangin ng opisyal ng Archdiocese of Manila ang kapakanan ng mga manggagawa kasabay ng paggunita kay San Jose, manggagawa.
Ayon kay Caritas Manila executive director at Radio Veritas president, Fr. Anton CT. Pascual, nawa’y sa pamamagitan ni San Jose na patron ng nga manggagawa ay makita ang kahalagahan ng tungkulin ng mga manggawa sa pagkakaroon ng maunlad na lipunan.
“Sa ating mga manggagawa na siyang biyaya ng Diyos ang paggawa, nawa sa panalangin ni San Jose, Manggagawa—ang ating patron—atin pong pahalagahan ang kabanalan ng paggawa. Dito natin nakikilala ang ating sarili ang ating misyon, ang ating pagkatao, at ang plano ng Diyos sa ating buhay,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihiling naman ng pari na bigyan ng kaukulang pansin ng lipunan ang karapatan at kalagayan ng mga manggagawa sa bansa na patuloy na humaharap sa hamon ng iba’t ibang krisis.
Sinabi ni Fr. Pascual na karamihan sa mga manggagawa ang naapektuhan ng tatlong taong pag-iral ng coronavirus pandemic.
Gayundin ang patuloy na usapin sa pagbibigay ng sapat na sahod at kontraktwalisasyon ng mga manggagawa o Endo kaya’t nananatili ang antas ng kahirapan at unemployment rate sa bansa.
“Nawa’y bigyan diin ng lipunan ang kahalagahan ng paggawa. Anuman ang ginagawa natin, ito ay makabuluhan at marangal, at nagbibigay ng dignidad sa bawat isa,” ayon kay Fr. Pascual.
Batay sa huling ulat ng Philippine Statistics Authority, nananatili pa rin sa 4.8 percent o 2.47 milyon ang unemployment rate sa bansa nitong Pebrero 2023.
Mas mataas ito ng 102-libo sa ulat noong Enero nang kasalukuyang taon na umabot sa 2.37 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang hanapbuhay.
Sa ensiklikal ni St. John Paul II na Laborem Exercens, binigyang diin nito ang pagpapahalaga sa dignidad ng manggagawa kabilang na ang pagbibigay ng wastong pasahod at benepisyo.