17,418 total views
Tiniyak ng Cofradia de la Virgen de la Soledad de Porta Vaga ang pagpapalawak ng pagmimisyon sa simbahan sa pamamagitan ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria.
Ayon kay Cofradia President Ryan Enriquez, ito ang pangunahing gawain ng grupo ng mga deboto upang higit na maipakilala sa pamayanan ang debosyon sa Birhen ng Soledad na nakadambana sa San Roque Parish o Diocesan Shrine of Our Lady of Solitude of Porta Vaga sa Cavite City.
Nagpapatuloy ang isinasagawang Dalaw Soledad sa pangunguna ng Cofradia sa iba’t ibang simbahan sa bansa upang ibahagi ang mayamang debosyon sa bansang tinaguriang Pueblo Amante de Maria.
“Ang Dalaw Soledad primarily is to propagate the devotion sa titulo ng Mahal na Birhen ang Birhen ng Soledad ng Porta Vaga. Dinadala namin ang Mahal na Birhen sa iba’t ibang panig ng Pilipinas para maipalaganap ang debosyon,” pahayag ni Enriquez sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Enriquez na nasa 20 mga simbahan ang dinadalaw ng imahe bukod pa ang mga parokya at dambanang nag-imbitang dalawin ng Reyna ng Cavite.
Nitong August 5 ay pansamantalang nakadambana ang imahe ng Birhen ng Soledad ng Porta Vaga sa Radio Veritas Chapel sa Quezon City na magtatagal hanggang August 11.
Bukod sa Dalaw Soledad may Saturday devotions din ang dambana kaya’t malugod na inaanyayahan ni Enriquez ang mananampalataya na bumisita sa diocesan shrine sa Cavite.
“Hinihikayat namin ang lahat ng deboto ng Mahal na Birhen na bumisita po sa shrine at maranasan ang kanyang makainang pagkandili, mayroon kaming Saturday devotions so we invite the devotees sa Shrine po ng Soledad ng Porta Vaga,” ani Enriquez.
Batay sa kasaysayan 357 taon na ang Birhen ng Soledad ng Porta Vaga kung saan sa kasalukuyan nagsisilbing rector ng dambana si Fr. Michael Cron.
Sa pagtutulungan noon nina Msgr. Baraquiel Mojica at noo’y Imus Bishop Felix Pérez kinoronahan ang imahe noong November 17, 1978 sa pangunguna ni then Apostolic Nuncio to the Philippines, Bruno Torpigliani at itinuring na Queen of Cavite habang March 2018 nang gawaran ni Pope Francis nang canonical coronation.