12,375 total views
Nananawagan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na dinggin at pagtuunan ng pansin ang hinihiling na kaligtasan at karapatan ng mga katutubo sa bansa.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Indigenous Peoples chairman, Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc, patuloy na umaasa ang mga katutubo na muling makamit ang kalayaan laban sa mga mapagsamantalang umaagaw at nang-aakin sa mga katutubong lupain.
Ang panawagan ng obispo ay kaugnay sa pagdiriwang sa National Indigenous Peoples’ Day at International Day of the World’s Indigenous Peoples ngayong araw, Agosto 9.
Sinabi ni Bishop Dimoc na sa nakalipas na 26-taon, wala pa rin sa 50-porsyentong target na lupa ang nabibigyan ng Certificate of Ancestral Domain Titles (CADT) ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
“This kind of social injustice in our society reduced the gentle and peaceful IPs to being marginalized further. Politicians and dominant interests are hindering NCIP to fulfill its mandate of protecting the gentle and peaceful IPs,” pahayag ni Bishop Dimoc sa panayam ng Radio Veritas.
Nababahala ang obispo sapagkat nalalagay sa kapahamakan ang buhay at kaligtasan ng mga katutubong patuloy na ipinagtatanggol ang karapatan laban sa mga malalaking kumpanya at minahan.
Gayunman, naniniwala si Bishop Dimoc sa mandato ng NCIP sa pangangalaga sa karapatan ng mga katutubong itinuturing na likas na mga tagapangalaga ng kalikasan.
“It is the mandate of NCIP to prioritize and protect the vulnerable IPs who are very gentle and peaceful, especially those who gather food and hunt in their forest or those having difficulty transitioning to developed agricultural life,” saad ni Bishop Dimoc.
Umaasa naman ang obispo na sa halip na maging hadlang, dapat higit pang gampanan ng mga politiko ang paglikha ng mga batas na magtataguyod sa karapatan ng mga katutubo.
Oktubre 2015 nang lagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act no. 10689 na nagdedeklara sa Agosto 9 ng bawat taon upang ipagdiwang ang National Indigenous Peoples’ Day at higit na isulong ang pangangalaga at pagbibigay pansin sa karapatan ng mga katutubo sa bansa.
Sa tala ng United Nations Development Programme, mayroong 14 hanggang 17 milyong katutubong kabilang sa 110 ethno-linguistic groups sa Pilipinas na ang 33 porsyento ay matatagpuan sa Cordillera Administrative Region habang ang 61-porsyento nama’y nasa Mindanao.