349 total views
Hinimok ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mananampalataya at mga naglilingkod sa simbahan na maging halimbawa sa pagsunod sa mga panuntunan upang maiwasan ang paglaganap ng coronavirus.
Sa mensahe ni Davao Archbishop Romulo Valles sa misang ginanap sa Sto. Rosario Parish sa Toril Davao City, iginiit nitong nagbunga ang pagsunod sa safety health protocol na ipinatupad ng pamahalaan at mga eksperto sa kalusugan kaya’t mahalagang ipagpatuloy ito upang tuluyang mawakasan ang paglaganap ng virus.
“Tayong mga nasa simbahan, let us take the lead in giving example; let us be obedient and cooperative; to strictly follow health protocols in the context of the pandemic,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Valles.
Ikinatuwa rin ng arsobispo na makitang okupado ang limampung porsyentong kapasidad ng simbahan na isang patunay na buhay ang pananampalataya ng mamamayan sa kabila ng mga hamong kinaharap dulot ng COVID-19 pandemic.
Kabilang na ang pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol at ang physical distancing.
Umaasa si Archbishop Valles na tuluyang makabalik sa normal na pamumuhay ang pamayanan upang muling magbubuklod ang bawat isa sa pagbibigay papuri sa Diyos sa mga simbahan.
“It is always beautiful and inspiring to come together and praise God; to come together to pray, to worhsip, to tell ourselves and to tell the Lord and the Blessed Mother that we are your sons and daughters,” dagdag ng arsobispo.
Matatandaang agad na sumunod ang pamunuan ng simbahang katolika nang magpatupad ng community quarantine noong Marso kung saan pansamantalang ipinagbawal ang pagdalo ng mga misa sa parokya upang maiwasan ang mass gatherings.
Patuloy pa rin ang pagsunod ng mga simbahan sa bansa sa panuntunan ng new normal bilang pakikiisa sa kampanyang sugpuin ang paglaganap ng virus na sa kasalukuyan umabot na sa mahigit 300-libo ang kumpirmadong kaso sa Pilipinas.
Sa huli ay hinikayat ni Archbishop Valles ang bawat isa na paigtingin ang pagdarasal sa Diyos sa tulong ng Mahal na Birhen sa pamamagitan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.