210 total views
Hinimok ni Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno ang mga lokal na opisyal at civil society groups na buhayin ang kultura ng bayanihan sa bansa.
Ayon kay Secretary Sueno sa pamamagitan ng programa nitong MASA-MASID o Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Iligal na Droga ay mahigpit na mababantayan ang korapsyon sa pamahalaan at mapapaigting ang pagsugpo sa iligal na droga.
“Sama kayo sa amin sa MASA-MASID. Ito ay parang umbrella organization ng lahat ng organization sa barangay at volunteers’ groups para ma-eliminate natin iyong droga, korapsyon at kriminalidad,” pahayag ni Sueno.
Dagdag pa ni Sueno sa tulong ng mga volunteers, masmababantayan ng bawat isa ang mga banta ng terorismo sa Pilipinas.
“Napakadelikado ngayon ang banta ng terorismo at nagkaroon na nga ng bombing. Ang mga volunteers ang kasangga natin sa komunidad. Sila ang tutulong sa atin magreport ng mga kahina-hinalang tao at pangyayari para walang tsansa ang droga at krimen na mangyari,” dagdag pa ni Sueno.
Tiniyak nitong hindi lamang ang pwersa ng National Government sa Peace and Order ang palalakasin kundi maging ang mga Brgy. Units upang maging magkaagapay ito sa pagsugpo ng katiwalian, kriminalidad, at droga.
Sa tala ng DILG may kabuuang 42,036 ang bilang ng mga Barangay sa Pilipinas.
Nasasaad naman sa Laudato Si, ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat mamamayan upang matiyak na umiiral ang makabubuti para sa bawat isa.