15,957 total views
Hinikayat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na talikuran ang mga maling gawi, pagsisihan ang mga kasalanan at maging handa sa muling pagkabuhay ni Hesus.
Ayon kay CBCP Office on Stewardship Chairperson, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang nalalapit na pagsisimula ng panahon ng kuwaresma ay paanyayang gamitin ang mga sandata ng isang kristiyano upang labanan ang kasamaan, ang panalangin, ang pagpepenitensiya at ang pagkakawanggawa.
Sinabi ng obispo na mahalaga ang aktibong pakikibahagi ng mananampalataya sa mga gawaing pang espiritwal upang mas higit na mapalapit sa Diyos.
“Sa pamamagitan ng mga panalangin tayo ay nagbabalik handog at nakikipag-ugnay sa Diyos kaya sikapin nating makiisa sa mga gawain ng simbahan. Habang binibigyang panahon ang panalangin mas lumalago ang ating pag-ibig sa Diyos,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Sa March 5 bubuksan ng simbahan ang panahon ng kuwaresma sa pamamagitan ng Ash Wednesday o pagpapahid ng abo na isang panawagan ng pagbabagong buhay upang makamtan ang pangakong kaligtasan.
Batid ng opisyal na malaking hadlang sa pagdarasal ang sariling kagustuhan kaya kailangang supilin ang sarili sa pamamagitan ng pagpenitensya kasama na ang pag-aayuno o ang hindi pagkain ng karne sa Miyerkules ng Abo at sa lahat ng Biyernes sa loob ng kuwaresma.
Bukod pa rito ang pagpipigil ng sarili sa mga bisyo, labis na paggamit ng gadgets at maging ang katamaran.
“Mahalaga ang mga panalangin at penitensya dahil nagbubunga ito ng pag-ibig sa kapwa na ating maipapakita sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Ang ating matitipid sa pag-aayuno ngayong kuwaresma ay ating ibabahagi sa mga nagugutom, malnourished na kabataan sa ating FAST2FEED program at maging sa mga masasalanta ng kalamidad at iba pang proyekto ng Alay Kapwa Program,” saad ni Bishop Pabillo.
Umaasa si Bishop Pabillo na gawing makabuluhan ng mananampalataya 40 araw na paghahanda sa Paschal Triduum o ang pagpapakasakit, pagkamatay at pasko ng muling pagkabuhay ni Hesus.
“Hindi natatamo ang pagbabago ng tao sa panandaliang pamamaraan kaya sikapin natin ngayong kuwaresma ang pananalangin, penitensya, at kawanggawa sa ating kapwa,” dagdag ng obispo.
Kaugnay nito inaanayayahan ng Radio Veritas 846 ang mananampalataya na makiisa sa mga misa ng himpilan sa March 5, Ash Wednesday sa alas sais ng umaga na pangungunahan ni Bishop Antonio Tobias, sa alas dose ng tanghali naman si Cubao Bishop Elias Ayuban Jr., CMF habang sa alas sais ng gabi si Novaliches Bishop Roberto Gaa.