22,043 total views
Umaasa si Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na magdulot ng positibong epekto sa mamamayan ang mga pinagtitibay na layunin ng social, advocacy, at development arm ng simbahan para sa kaayusan ng lipunan.
Ayon kay Bishop Bagaforo, nais ng simbahan na maipalaganap ang pananagutang panlipunan upang higit na maunawaan at makaangkop ang mamamayan sa iba’t ibang usapin at krisis sa kapaligiran.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa isinasagawang 41st National Social Action General Assembly (NASAGA) ng Caritas Philippines sa St. Vincent Ferrer Seminary sa Jaro, Iloilo mula June 17-21, 2024.
“Unang-una ay mahihikayat at mabubuksan natin ang kaisipan ng ating fellow Christians on our social responsibility. Ang ating pananampalataya ay dapat hindi lamang ako ang maligtas, kung hindi tayong lahat ay maligtas. So, meron tayong social responsibility component d’yan at ‘yun ang gusto nating bigyan ng halaga nitong ating social action ministry at ipalaganap ang social teachings of the church,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi rin ni Bishop Bagaforo na kabilang sa mga pagtutuunan sa 41st NASAGA ay ang assessment sa mga programa sa political at ecological advocacy ng simbahan, reorganization sa social action ministries ng bawat diyosesis, at ang Alay Kapwa Expanded campaign program.
Magugunita sa 40th NASAGA 2022 sa General Santos City, South Cotabato nang mapagkasunduan ng bawat social action centers ng diyosesis sa bansa ang pagtatatag sa Good Governance Ministry o Good Governance Movement, Justice and Peace Ministry, at Ecology o Environmental Ministry na layong tumugon sa pangangailangan lalo na ang kabilang sa mahihirap na sektor ng lipunan.
“The first thing that we will do dito sa NASAGA ay i-assess natin kung ano na ‘yung ating nagawa in terms of political advocacy on Good Governance at saka sa ating mga activities in order to address itong ecological crisis natin,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Halos 300 kinatawan mula sa 65 sa 85 diyosesis sa bansa ang makikibahagi sa 41st NASAGA, na isinasagawa lamang tuwing ikalawang taon.
Tema ng pagtitipon ng mga kinatawan ng Diocesan social action centers ang “Social Action Network: Journeying to Empower Communities in Faith, Love, and Justice”.