13,610 total views
Homiliya para sa Pasko 2024, Lk 2:1-14
Minsan kahit mga batikang lector at commentator sa simbahan nagkakamali din ng bigkas sa ibang mga Tagalog na salita depende sa diin. Halimbawa, matapos itaas ng pari ang Ostia at sabihing, “Ito ang Kordero ng Diyos, ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan…”. Sasagot ang bayan ng “Panginoon, hindi ako karapat-dapat…” Ano ang kasunod? NA MAGPATULÓY SA IYO, diin sa huli, hindi sa ikatlong pantig. Ang magpatúloy ay TO PROCEED, TO CONTINUE. And MAGPATULÓY (accent on last syllable) ay TO WELCOME, TO SAY, “Please proceed, or enter.”
Ito ang gusto kong pagnilayan natin para sa Pasko: ang topic ng pagpapatulóy o sa Ingles, hospitality. Pagiging bukas na tumanggap sa nakikipanuluyan. Isa ito sa mga ugaling pinahahalagahan sa tradisyong Hudyo at Kristiyano. Kaya merong kasabihan sa Latin HOSPES VENIT, CHRISTUS VENIT: Dumadalaw ang isang panauhin, si Kristo ang dumarating. Sayang lang at dahil siguro sa pagkadala ng marami sa mga magnanakaw o masasamang-loob na nang-aakyat bahay, parang nawawala na ang ugaling ito ng pagiging MAPAGPATULÓY.
Nasabi ko na minsan sa inyo na isa sa mga ipinagtataka ko ay kung bakit sa Tagalog, kapag kumatok ang bisita sa pintuan, ang sinasabi niya ay TAO PO (a human being here!) . Pero sa amin sa Pampanga ang sinasabi ay DISPO, na contraction ng Diyos po! Karaniwan sa mga panitikan ng mga Griyego ang tungkol sa Diyos na nagpapanggap na tao o dumadalaw sa anyo ng tao at nakikipanuluyan, at ginagantimpalaan ang magbukas ng pinto at magsabing TULOY PO KAYO. Di ba’t ginantimpalaan ng anak sina Abraham at Sarah dahil pinatuloy nila ang tatlong dayuhan na nagkataong mga sugo pala ng Diyos?
Malakas ang dating sa atin ng pagsasadula ng Pasko bilang PANUNULUYAN. Ang saklap nga naman kung malaman mong ang ang pinagsungitan mo, ang itinaboy mo, o ang pinagsarhan mo ng pinto ay walang iba kundi ang Sagrada Pamilya, sina Maria at Jose na ang dala ay ang Anak ng Diyos? (Nangyari na minsan sa isang pre-school Christmas dramatization ng panunuluyan, na hindi sumunod sa script ang bata sa House Number 2. Di yata maatim ng bata na itaboy ang sagrada pamilya, pinagbuksan niya sila ng pinto. At tumuloy naman ang gumaganap na Joseph at Mary at doon na nanganak si Mary. Kahit saan talaga pwedeng gumawa ng Bethlehem, basta handa ang tao na magbukas at magpatuloy. Di ba sinabi sa Mateo 25, na sa huling paghuhukom, baka magulat tayo pag sinabi ng Diyos, ang pinaka-aba na minsan ay iyong tinanggap at pinatuloy ay walang iba kundi ako.)
Sayang naman, kung dahil sa pagkadala sa mga nananamantala ay mawalan na tayo ng tiwala sa lahat mng tao? Kung minsan, pag gabing sarado na ang simbahan, parang nagdurugo ang puso ko pag nakakakita ako ng mga taong galing sa trabaho, dumadaan sa simbahan at nagdarasal sa may sidewalk, nakahawak sa bakod.
Si Pope Francis ang bumago sa kaisipan natin tungkol sa sino ba ang dapat i-welcome sa simbahan: sabi niya, todos. Ibig sabihin, lahat. Palagay ko kinuha ang inspirasyon sa Jn 14, kung saan nasabi ni Hesus, “Sa bahay ng aking Ama, maraming silid.” Ibig sabihin, ang bahay ng Diyos ay may lugar para sa lahat.
Ito ang magandang paglalarawan para sa atin ng Bethlehem: kahit masaklap na ang Bethlehem ngayon ay pinaikutan ng gubyerno ng Israel ng matataas na pader dahil sa takot nila sa mga Palestinians na nakatira doon. Palagay ko, hangga’t may bakod sa paligid ng Bethlehem, hindi darating ang kapayapaan sa daigdig.
Hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan sa mundo hangga’t hindi natin natututunang wasakin ang mga pader ng hidwaan at alitan sa isa’t isa batay sa kulay, relihiyon, lahi, kasarian, estado ng kabuhayan atbp. Ang Pasko ay paanyaya sa tao na magbukas ng puso at isip, hindi lang mga tahanan para patuluyin ang Diyos sa pamamagitan ng ating pagpapatulóy sa isa’t isa. MALIGAYANG PASKO PO.