189 total views
Pinaalalahanan ng Ecological Justice Interfaith Movement ang mga mananampalataya na gawing banal ang pagpapakita ng debosyon ngayong mahal na araw sa pamamagitan ng paggalang sa kalikasan.
Nanawagan si Bro. Angel Cortez, OFM – NCR Coordinator ng EcoJIM sa mga layko na tugunan ang hamon ng Kanyang Kabanalan Francisco na Ecological Conversion sa pamamagitan ng pagsinop sa mga basura o mga pinagkainang nagkalat sa paligid sa tuwing isinasagawa ang Visita Iglesia.
Hinamon din ni Cortez ang bawat isa na magkaroon ng Ecological Easter Celebration, upang mas mapatingkad ang pananampalatayang katoliko at hindi mabawasan ang kasagraduhan ng debosyon at ng mga bahay dalanginan sa tuwing nagiiwan ng maraming basura ang mga deboto sa paligid ng mga simbahan.
“Ako po ay nananawagan sa inyo na kasabay ng ating pagninilay at sa ating paggawa ng ating mga debosyon ngayong mga mahal na araw, alalahanin natin ang ating Inang Kalikasan lalo na ngayon maraming magbibisita Iglesia, sana po huwag tayong magkakalat, sana po huwag natin itapon yung mga pinagkainan natin kung saan saan, kasi nakikita ko taun-taon, napakaraming basura pagkatapos ng Visita Iglesia.” Pahayag ni Cortez sa Radyo Veritas.
Samantala hinimok din ni Cortez ang sambayanang Filipino na gamitin ang paggunita sa mahal na araw bilang panahon ng pananalangin at pagninilay para maihalal ang kandidatong poprotekta sa kalikasan at sa kapakanan ng bawat may buhay sa daigdig.
Ayon kay Cortez, magandang pagkakataon ang pagninilay kasabay ang paggunita sa pagpapakasakit ng Panginoong Hesus, upang masuri ang budhi ng mga kandidatong tunay na uunahin ang kapakanan ng tao, at kalikasan.
“Sa paghihirap ni Kristo alalahanin natin na si Inang Kalikasan ay naghihirap din para sa atin, kaya para sa lahat, tapusin na natin ang kasabihang, “Ang botanteng gipit, sa trapo kumakapit”, ngayon gamitin natin ang ating pananampalataya, gamitin natin ang ating pagkiling kay inang kalikasan para makapili tayo ng tamang kandidato.” Pahayag ni Cortez sa Radyo Veritas.(Yana Villajos)