199 total views
Ito ang naging pahayag ni Diocese of Balanga, Bataan Ruperto Santos sa mga mananampalataya ngayong bisperas bago ang tradisyunal na Visita Iglesia na siyang kinagawian ng mga Pilipino.
Aniya, mahalagang tandaan ng bawat pilgrims na hindi lamang ito panahon para makapag–bakasyon kundi pagkakataon rin upang panumbalikin muli ang relasyon at ugnayan sa Diyos.
“Gamitin nila ang pagkakataong ito na makipag–kaisa, makapag–bigay ng panahon na makiniig ang Panginoon sa panalangin at sa pagsamba at sa pagdiriwang ng mga sakramento. Isipin nila na hindi ito isang bakasyon, hindi paglalamienda, hindi paglalakwatya. Kundi pagkakataon na kung saan suriin nila ang kanilang sarili, ang kanilang kalooban kung ano na ang ugnayan nila sa Diyos,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas
Inihayag ni Bishop Santos na mahalagang samatalahin ang Semana Santa upang makasama ang pamilya sa pananalangin sa mga simbahang bibisitahin.
“Ito rin ay isang pagkakataon na ilaan nila ang kanilang panahon sa kanilang mahal sa buhay. Sama – samang kumakain, sama – samang nagkwe – kwentuhan , sama – samang nagdarasal sa simbahan, pagkakataon na damhin nila ang presensya ng bawat isa,” giit ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Kaugnay ng Lenten break, tinaya ng Philippine Coast Guard na sa 80 libong pasahero ang dumaragsa sa mga pantalan sa buong bansa simula pa noong Linggo ng Palaspas.
Samantalang, aabot sa 200 libong sasakyan ang dumadaan sa North Luzon Expressway araw-araw at 30,000 naman sa Subic Clark Tarlac Expressway.
Samatanla, ayon sa Tourist Assistance Center ng Boracay, inaasahang nasa 50,000 turista ang inaasahan nilang magbabakasyon sa isla ngayong Holy Week.
Nauna na ring ipinaalala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na hindi ang pananakit sa sarili ang tunay na diwa ng mga Semana Santa kundi ang pagkakawang-gawa at paglalakbay tungo sa kabanalan.