183 total views
Nakiisa at nagpaabot na pakikidalamhati ang presidente ng Caritas Internationalis sa naganap na pagpapasabog sa Belgium.
Itinuturing ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na kahindik-hindik ang terrorist attack na nangyari sa Zaventem airport at Maelbeek Metro station sa Brussels, Belgium na ikinasawi ng 34-katao.
Inihayag ni Cardinal Tagle ang kalungkutan sa pangyayari sa pagbubukas ng “Jubilee Door of Mercy” sa Manila City Jail.
Hinimok ng kardinal ang mga Pilipino na ipagdasal ang mga tao sa Belgium lalo na sa mga biktima at kanilang pamilya upang makadama sila ng awa at habag ng Diyos.
“Kung nabalitaan ninyo kahapon, nagkaroon ng kahindik-hindik na terrorist attack sa Brussels, Belgium. Ano po, sa airport atsaka doon sa train station. Nakakalungkot po. Meron po tayong kasamang pari na taga-Belgium, si Father Luke. So tayo po ay, Father Luke, we want to express our solidarity with the people in Belgium. Si Father Gabby, dalawa nga pala sila. Father, we hope on God’s mercy, we call on God’s mercy for the people of Belgium,” mensahe ni Cardinal Tagle sa pamamagitan ng Radio Veritas.