Lenten walk para sa Inang Kalikasan, pinangunahan ng Ecowaste Coalition

 33 total views

Hinimok ng Ecowaste Coalition ang mamamayan na makabuluhang pagnilayan ang mga mahal na araw sa pamamagitan ng pag-aalay ng tamang pangangalaga sa kalikasan.

Ngayong araw, nagdaos ang grupo ng “Lenten Walk para sa Inang Kalikasan”, sa pangunguna ni Fr. Robert Reyes ang tinaguriang “Running Priest”, na layuning himukin ang sambayanan na tugunan ang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si, na ang daigdig na ating tahanan ay unti-unting nagiging isang napakalaking tambakan ng basura.

Ayon kay Aileen Lucero – National Coordinator ng grupo, ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ang Ecowaste Coalition ng makabuluhang aktibidad, kaya naman hinihimok ng grupo ang mga lokal na opisyal na alisin ang mga open dumpsites na nagsisilbing Krus na nagpapahirap sa kalikasan.

“First time na gagawin ng Ecowaste Coalition ang pag-gawa ng Lenten Walk para sa inang kalikasan. Nakita natin na talagang parami ng parami yung mga basura at yung sinabi ng ating Santo Papa sa kanyang encyclical Laudato Si na ang ating tahanan, ang ating Earth ay unti-unti na napupuno at nag mumukhang basurahan, kaya ito yung sinasagawa ng Ecowaste Coalition ngayon na isang paalala na ang mga basura na ito, ang mga open dumpsites na ito, at ang hindi pagsunod sa RA 9003 ng mga lokal na opisyales, ay nakakabigat, isang malaking Krus ito na nagpapahirap sa ating inang kalikasan.” pahayag ni Lucero sa panayam ng Radyo Veritas

Bukod dito, pinaalalahanan ni Lucero ang mamamayan na bawasan ang pagkonsumo sa hindi mahalagang mga bagay upang maiwasan ang mga dagdag kalat na basura.

Muli ring nanawagan si Lucero, na ipasara na ang mga open dumpsites na lumalason sa lupa, tubig, at hangin at nagdudulot ng karamdaman sa mga residenteng malapit dito.

Noong Pebrero 10, 2016, umabot sa 600 lokal na opisyales ng pamahalaan mula sa 13 rehiyon sa bansa ang inimbistigahan ng Ombudsman dahil sa pagbubukas ng mga iligal na open dumpsites sa kanilang barangay.

Dahil dito, patuloy na pinaiigting ng Ombudsman sa tulong ng Environmental Management Bureau of the Department of Environment and Natural Resources ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.

Una nang inihayag ng Kanyang kabanalan Francisco sa Laudato Si ang pangangailangan ng madaliang pagtugon sa panganib na idinudulot ng polusyong lumalason sa kapaligiran na nagmumula sa mga itinatapong basura.



truthshop
Shadow
Spiritual Frontliner banner

BE OUR PARTNERS!

ads
ads
ads
2
3
4
previous arrow
next arrow


Subscribe Now to Received Latest News and Blogs

Subscribe to us and receive latest News & Updates in your inbox