8,185 total views
Nagpahayag ng saloobin si Brooke’s Point, Palawan Vice Mayor Mary Jean Feliciano kaugnay sa mapaminsalang epekto ng pagmimina sa lugar.
Ayon kay Feliciano, mahigit 28,000 libong indigenous at endemic na puno ang pinagpuputol upang bigyang-daan ang large scale mining operations sa Barangay Maasin, Brooke’s Point.
Si Feliciano, na dating alkalde ng Brooke’s Point, ay pinatawan ng isang taong suspensyon ng Office of the Ombudsman dahil sa matinding pagtutol sa pagmimina ng Ipilan Nickel Corporation (INC).
“Mahigit=28,000 punongkahoy na mga indigenous at endemic, [ang] walang habas na pinagpuputol upang bigyang daan ang large scale mining operations sa Brgy. Maasin, at naging daan upang ako ay masuspende ng isang taon. Sapagkat ang pag-i-issue ko diumano ng Cease and Desist Order, Closure Order, at Demolition Order sa isang kompanya na nag-ooperate ng walang Mayor’s Permit ay pag-aabuso sa kapangyarihan,” ayon kay Feliciano.
Matatandaan sa panayam sa Barangay Simbayanan ng Radyo Veritas noong July 2021, iginiit ni Feliciano na ginagampanan lamang niya ang tungkulin bilang alkalde, at sumusunod sa mga batas para sa kapakanan ng kinasasakupan.
Dagdag ng opisyal, wala ring maipakitang mayor’s permit ang INC, ngunit agad na sinimulan ang proyekto kahit walang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan.
Samantala, noong May 2023, isinantabi ng Office of the Ombudsman ang kaso laban kay Feliciano dahil sa kakulangan ng ebidensya sa mga isinampa ng INC.
Kaugnay naman sa matinding pagbaha sa Southern Palawan nitong nga nakaraang araw, sinabi ni Feliciano na ang pagpuputol ng mga puno para sa pagmimina ang pangunahing dahilan nito.
“[Huwag] na magtaka ang mga taga-Sitio New Panay, Maasin [kung] bakit sa kauna-unahang pagkakataon ay binaha sila nitong nagdaang araw. Wala na ang mga malalaking puno sa watershed,” saad ni Feliciano.
Sa Laudato Si’, mariing kinondena ni Pope Francis ang mapaminsalang industriya ng pagmimina na nagdudulot ng labis na paghihirap sa kalikasan at mga apektadong pamayanan.