170 total views
Iginiit ni Diocese of Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na hindi maaaring i-appoint ang isang Barangay Captain.
Ayon sa Obispo, sa Barangay nag-uugat ang “elementary democracy” ng lipunan, dahil dito unang magagamit ang kapangyarihan sa pagpili at paghalal ng taumbayan ng kanilang magiging pinuno.
Dagdag pa ni Bp. Bacani, itinakda ng Saligang Batas na nasa mamamayan ang kapangyarihan upang pumili ng ihahalal at hindi maaaring ang Presidente ng bansa ang pumili nito.
“Hindi pwedeng i-appoint yan, hindi yan ang batas. Yan ang pinaka elementary democracy natin, yung sa Barangay, diyan unang magagamit ang ating pagpili ng mga mamumuno sa ating bayan. Kaya yan ay itinakda ng batas para ang mga tao ang mamili hindi ang presidente,” pahayag ni Bp. Bacani sa Radyo Veritas.
Samantala, binalaan naman ng Obispo ang mamamayan na huwag basta pumayag sa nais ng Presidente na i-appoint ang Barangay Captain dahil ang ganitong pagkilos ay senyales ng pagiging authoritarian ng Pangulo.
Binigyang diin ng Obispo, na dapat maging alerto ang mamamayan at huwag pumayag sa mga kautusang pipigil sa karapatan ng mamamayan sa pagboto.
“Nagiging authoritarian na tayo, dahan dahan yan, yan ang gripping authoritarianism, dinadahan-dahan ang mga mamamayan. Mapapansin mo yan ang mga tao dahan-dahang itinutulak, at ang mga tao kung basta-bastang papayag nalang, bandang huli ay diktador ang lilitaw sa ating presidente.” pahayag ni Bishop Bacani
Sa tala mayroong 42,036 na barangay sa buong Pilipinas.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Duterte na hindi niya nais magkaroon ng barangay elections upang hindi na magamit ang narco-money sa kampanya lalo’t 40 porsyento ng mga kapitan sa Barangay ay sangkot sa illegal drug trade.
Naninindigan naman ang CBCP na ang pagboto ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.